7,840 total views
Hinimok ng mga mambabatas ang awtoridad na magsagawa ng malawakang imbestigasyon sa nangyaring pananagasa ng dayuhang barko sa mga mangingisdang Pilipino sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay Senator Jinggoy Estrada nawa’y mabigyang katarungan ang mga biktima lalo’t tatlo ang nasawi.
“The authorities must conduct a comprehensive and unbiased investigation to ascertain the true circumstances surrounding this tragic event,” ayon sa pahayag ni Estrada.
Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) nangyari ang pananagasa 4:30 ng madaling araw nitong October 2 habang naghahanda ang grupo sa pangingisda sa karagatang malapit sa Bajo de Masinloc dahilan ng paglubog ng kanilang bangka.
Nitong October 4, natukoy ng PCG ang Pacific Anna na isang crude oil tanker na nakarehistro sa Marshall Islands ang nakasagasa sa mga mangingisda batay sa cross-referencing sa salaysay ng mga biktima sa petsa at oras ng insidente sa pamamagitan ng pag-check sa marine traffic.
Sinabi ni Estrada na dapat mapanagot ang dayuhang barko at tiyaking ligtas ang mga Pilipinong maglalayag sa mga nasasakupang teritoryo ng bansa.
“The safety and well-being of our fishermen must always be a top priority, and those accountable for this incident must be held responsible for their actions,” dagdag ni Estrada.
Muli namang iginiit ni Senator Francis Tolentino ang kahalagahan ng pagpasa sa Maritime Zone Law para sa proteksyon ng mga mangingisda gayundin ang pagpapaunlad sa mga kagamitan ng PCG na mangunguna sa pagbibigay proteksyon sa West Philippine Sea at sa lahat ng nasasakupang karagatan ng bansa.
“The need to protect our fisherfolks and our marine resources cannot be overemphasized through the passage of our own Maritime Zone Law and the procurement of the necessary equipment for our Coast Guard as well. We await the results of the investigation being done,” ani Tolentino.
Hinihintay naman ng Department of Foreign Affairs ang opisyal na resulta ng imbestigasyon ng PCG para sa kaukulang hakbang hinggil sa insidente.