6,816 total views
Nananawagan sa mga mambabatas sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Mayors for Good Governance (M4GG) na maging mapanuri at maingat sa pagbabalangkas ng 2024 National Budget.
Ayon sa M4GG, nararapat na tutukan ang mga programang tunay na makatutulong sa mga batayang sektor ng lipunan.
Partikular na tinukoy ng Mayors for Good Governance (M4GG) ang pagtutok sa kapakanan ng mga magsasaka, mangingisda, at mamimili, gayundin para sa iba pang mga programa para sa kaayusan at kapayapaan ng bansa.
“Kami ay nananawagan sa mga mambabatas sa Kongreso at Senado na maging mas mabusisi at maingat sa pagbalangkas ng national budget. Idirekta ang unnecessary expenditures sa mga programang makatutulong sa mga maliliit na bayan, sa mga magsasaka’t mangingisda, sa mga konsyumer, at sa iba pang mga programa na mangangalaga ng kaayusan at kapayapaan sa ating bansa.” Ang bahagi ng pahayag ng Mayors for Good Governance (M4GG).
Ipinaliwanag ng M4GG na dapat maging tapat, matalino at responsable ang mga lider ng pamahalaan sa paggastos ng pera ng bayan upang maiwasan na rin na umasa sa pangungutang sa ibang mga bansa lalo na’t kasalukuyan ng umaabot sa 14-na trilyong piso ang utang ng bansa.
“Nananawagan din tayo sa mga lider ng ating pamahalaan na maging mas responsable at tapat sa paggastos ng pera ng taumbayan. Ngayong higit 14 trilyong piso na ang utang ng ating bansa, mas kinakailangang bigyang pansin ito at gamitin ang natitirang pera ng bayan nang maiwasan nang umasa sa pangungutang.” Ayon pa sa M4GG.
Iginiit ng grupo na dapat gastusin ang pera ng bayan para sa kapakanan ng taumbayan kung saan magsisimula sa matapat na pagbabalangkas ang pambansang pondo ang tapat na pamamahala sa bansa.
Ang Mayors for Good Governance (M4GG), na binubuo ng 157 alkalde mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Pilipinas, ay mahigpit na sumusubaybay sa kasalukuyang deliberasyon para sa 2024 National Budget.
Pinangungunahan ang M4GG ng mga convenors nito na sina Baguio City Mayor Benjamin “Benjie” Magalong, Isabela de Basilan Mayor Sitti Turabin Hataman, Dumaguete City Mayor Felipe Antonio “Ipe” Remollo, Municipality of Kauswagan Mayor Rommel Arnado at Quezon City Mayor Joy Belmonte.