2,565 total views
Umaasa si Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na magpapatuloy ang inisyatibong bicycle caravan na layong higit na isulong ang pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay Bishop Bagaforo, layunin ng 2nd Caritas Bike 4 Kalikasan na muling pukawin ang kamalayan ng mamamayan tungo sa pagkilos at pagbabago para sa kalikasan lalo’t higit sa Verde Island Passage (VIP).
Ang VIP ang itinuturing na ‘center of the center of marine shorefish biodiversity’ sa buong mundo kaya lubos na lamang ang pagsisikap ng mamamayan ng Batangas at iba pang karatig na lalawigan upang mapangalagaan ito laban sa tuluyang pagkasira.
“The Caritas Bike for Kalikasan is a way for us to raise awareness about the importance of caring for our environment and to encourage people to take action to protect our Common Home. We hope that this event will inspire people to make lifestyle changes that are more sustainable and to work together to create a more just and equitable world for all,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Isasagawa ang 25-kilometer bike caravan sa October 7 sa ganap na alas-4 hanggang alas-10 ng umaga, mula Montemaria Pilgrimage Center sa Ilijan, Batangas City patungo sa Lagadlarin Mangrove Forest Park sa Lobo, Batangas.
Bukod dito ay isasagawa rin ang Walk for Creation/Walk for Verde Island Passage na magsisimula sa San Miguel Parish sa Lobo, Batangas at magtatapos sa Lagadlarin Mangrove Forest Park.
Samantala, ayon naman kay Lipa Archdiocesan Ministry on Environment (AMEn) Director, Franciscan Capuchin Fr. Mike Flores, mahalagang maitaguyod ang pagpapalaganap ng kaalaman at kasanayan sa bawat mamamayan upang mapangalagaan ang kalikasan.
Ipinaliwanag ni Fr. Flores na ang mga inisyatibong katulad ng Bike 4 Kalikasan at Walk for VIP ay mahihikayat ang mga tao na gampanan ang kanilang mga tungkulin bilang mabubuting katiwala ng sangnilikhang handog ng Poong Maylikha.
“Kasi sa panahong ito, kailangan talagang una ‘yung education at formation ng mga tao na talagang mare-realize na sila ay mayroong mahalagang papel in promoting the care of creation. And ‘yung empowerment din ng community ay mahalaga para magkaroon talaga ng iisang boses na nagsasabi ng “No” sa lahat ng mga industriya o possibly mga bagay na pwedeng sumira sa ating environment,” pahayag ni Fr. Flores sa panayam ng Radio Veritas.
Maliban sa AMEn, katuwang din ng Caritas Philippines sa inisyatibo ang Catholic Relief Services (CRS) Philippines, at Lipa Archdiocesan Social Action Center (LASAC).
Para sa mga nais lumahok sa 2nd Caritas Bike 4 Kalikasan, maaaring bisitahin ang official Facebook Page ng Caritas Philippines (www.facebook.com/CaritasPhilippines) para sa registration link, habang maaari din ang walk-in registration sa mismong araw sa pagitan ng alas-kwatro hanggang ala-singko ng umaga.