2,255 total views
Itinuring na paalala ng mga Pilipino sa Middle East ang isinasagawang Misyong Pilipino retreat.
Ayon kay Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi Director Rommel Pangilinan, pagpapaigting din ito sa pananampalataya lalo’t minorya lamang ang mga kristiyano sa lugar.
“Lubos ang pasasalamat sa Diyos dahil itong retreat na ito ay isang pagpapaala ng aming matibay na pananampalataya sa Diyos sa kabila ng mga hamon sa Gitnang Silangan.” pahayag ni Pangilinan sa Radio Veritas.
Pinangunahan ni Fr. Hans Magdurulang ng Minor Basilica and National Shrine of the Black Nazarene ang series of retreat sa United Arab Emirates na layong higit mapalalim ang pananampalataya ng mga Pilipinong kristiyano sa lugar.
Tema sa pagtitipon ngayong taon ang ‘Pagbabalik…Pagbabagong Buhay!’ lalo’t ngayon lang muling naisagawa ang Misyong Pilipino retreat makalipas ang tatlong taong pag-iral ng COVD-19 pandemic.
Ginana sa St. Paul Church sa Mussafah ang unang retreat noong September 25 hanggang 28 na sinundan sa St. John the Baptist Parish sa Ruwais noong September 29 hanggang October 1 habang October 3 hanggang 6 naman sa St. Joseph Cathedral sa Abu Dhabi.
Noong 2019 naitala sa lugar ang halos isang milyong katoliko lalo na noong dumalaw ang Santo Papa Francisco kung saan nasa 700, 000 rito ay mga Pilipinong mananampalataya.
Una nang kinilala ng santo papa ang mga migranteng Pilipino bilang smugglers of faith dahil sa kanilang pakikisangkot sa misyong dalhin ang mabuting balita sa pamayanan lalo na sa lugar na kanilang kinabibilangan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.(norman)