441 total views
Mga Kapanalig, bumigay ang mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa “pressure” mula sa publiko na alisin ang confidential funds sa badyet ng Office of the Vice President (o OVP) at Department of Education (o DepEd) sa 2024. Ito ang paniniwala ng ilan, at sana ay totoo ngang tumalab sa mga kongresista ang pangangalampag ng mga tao.
Sa isang pahayag, sinabi ng House Appropriations Committee na ang hinihinging confidential funds ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte ay ililipat sa mga ahensya ng gobyernong nangunguna sa pagtugon sa tensyon sa West Philippine Sea. Kasama sa madadagdagan ng pondo ang National Intelligence Coordinating Agency, National Security Council, Philippine Coast Guard, at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Pero huwag nating kalimutang may confidential at intelligence funds pa rin ang Office of the President. ‘Di hamak na mas malaki iyon kaysa sa hiningi ng bise presidente. Ang hiniling na confidential funds ng OVP ay nasa kalahating bilyon, habang 150 milyong piso naman ang para sa DepEd. Ang Office of the President ay humiling naman ng tumataginting na 10.14 bilyong pisong confidential and intelligence funds! Tandaan nating ang ganitong uri ng pondo ay hindi dumadaan sa masinsing pagbusisi ng Commission on Audit kaya hindi malalaman ng taumbayan kung paano ginagastos ang confidential and intelligence funds.
Kaya manatili pa rin tayong mapagmatyag.
Noong 2022, nagawa nga ng OVP na humingi ng confidential funds mula sa Department of Budget and Management (o DBM). Inaprubahan pa nga ito ng Office of the President. Nagkakahalaga iyon ng 125 milyong piso o kalahati ng aktwal na halagang hiniling ng bise presidente para sa kanyang opisina. Batay sa sulat na ipinadala ng OVP sa DBM, gagamitin ang perang iyon para sa “safe implementation” o ligtas na pagpapatupad ng iba’t ibang proyekto at gawain sa ilalim ng Good Governance Program ng opisina. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, patuloy ang debate kung naaayon ba sa ating Saligang Batas ang paglalabas ng pondong ito mula sa Office of the President patungong OVP.
Ang mas nakapagtataka pa, nalaman ng COA na ang 125 milyong pisong confidential fund ay ginastos sa loob lamang ng labing-isang araw! Katumbas ito ng 11.3 milyong pisong gastos bawat araw o halos kalahating milyong piso kada oras! Wala namang paliwanag na ibinigay ang OVP, bagay na nagpapatindi sa mga kuwestyon sa pagiging transparent o bukás ng OVP sa pagbusisi sa perang mula sa ating buwis at mula sa utang ng gobyernong babayaran din ng ating buwis.
Maaaring malayo sa bituka ng maraming Pilipino ang usaping badyet. Marami na rin siguro ang tila tanggap na lang na normal na sa ating gobyerno ang katiwalian. Ngunit tandaan sana nating ang perang ipinagkatiwala nating pangasiwaan ng mga ibinoto natin sa gobyerno ay perang pinaghirapan nating lahat. Hindi ito perang gagamitin ng mga nasa gobyerno para sa kanilang kapritso. Para iyon sa mga programa at proyektong dapat pinakikinabangan ng mga Pilipino, lalo na ng mga kapos sa buhay. Ang papel ng gobyerno ay pangalagaan at itaguyod ang common good o kabutihang panlahat, ayon nga sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan. Kung itinatago sa atin kung saan ginagamit ang pondo ng bayan, paano natin masasabing para sa kabutihang panlahat ang ginagawa ng pamahalaan?
Mga Kapanalig, muli, huwag tayong makakampante sa pag-aalis ng kinukuwestyong confidential funds mula sa ilang ahensya at paglalagak nito sa ibang opisina. Ang mga ganid sa kapangyarihan at tiwali ay katulad ng mga “leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa,” ‘ika nga sa 1 Pedro 5:8. Kaya “maging handa [tayo at magbantay].”