556 total views
Kapanalig, kung napansin niyo na nitong mga nakaraang mga linggo at buwan, tila mas malalakas at mas marami ang volume ng ulan sa ating bayan. Maituturing na nga natin na extreme weather na ito, dahil sa ilang oras lamang, malawak at mataas na agad ang pagbaha sa maraming lugar ng ating bayan. Nitong nakaraang Setyembre nakita natin ang mabilis na pagbaha sa mega Manila, halimbawa ang pagbaha sa EDSA dahil sa sa ilang oras na ulan lamang. Hindi lamang basura at clogged waterways ang dahilan nito, kundi pati na rin ang mataas na volume ng ulan na bumagsak sa iilang oras lamang.
Sa buong mundo, marami ng mga bansa ang nakakaranas ng extreme weather. Pagdating sa pagbaha, ating nakita ang malakas na bagyo sa Libya nitong Setyembre rin na nagdala ng malalakas na hangin, pag-ulan at pagbaha, na nagdulot ng napakalubhang pinsala at ng kamatayan ng mahigit pa sa 6,000 na libong katao. Noong Agosto naman, nakaranas naman ang Hawaii ng matinding wildfires. Sinasabing ang wildfires sa Maui, Hawaii, ay ang deadliest sa USA simula noong 1918.
Kapanalig, ilan lamang ito sa mga insidente na nagtuturo sa lalim at kalubhaan ng epekto ng climate change sa buong mundo. At mga bansang pinaka-apektado nito ay mga maliliit at developing na bansa, at napapalibutan ng katubigan o island countries gaya ng Pilipinas. Mas malubha ang epekto nito sa ganitong mga lugar, at mas matagal din ang pagbawi o recovery.
Kailangan nating itatak sa ating isipan na pagdating sa extreme weather, buhay ng tao ang ating sinasalba. Ang buhay na ito ay hindi na natin maibabalik kung ito’y mawala. Naranasan na natin ito noong Bagyong Yolanda, hihintayin pa ba nating maulit pa?
Kapanalig, ilan sa ating maaaring gawin, maliban sa kalampagin ang mga malalaking bansa na panindigan ang Paris Agreement, ay ang pagsasagawa ng kombinasyon ng mga engineering solutions at policy-based mitigation measures laban sa climate change. Halimbawa ng engineering solutions ay pagsasagawa ng flood management dams, pagsasaayos ng ating mga ilog at sapa, at pagmimintina at pagtataguyod ng maayos floodways. Sa mga policy-based measures naman, kasama dito ang land use regulations, watershed conservation, at reforestation. Katuwang din dito ang paghahanda sa mga sakuna, mga early warning systems, pati na ang maayos na rainfall and water level gauging stations, at information systems.
Sabi nga sa Global Climate Change: A Plea for Dialogue, Prudence, and the Common Good, “Sa kaibuturan nito, ang climate change ay hindi tungkol sa ekonomiya o politika, o sa iba-ibang interes ng magkakaibang grupo. Ito ay tungkol sa kinabukasan ng nilikha ng Diyos at ng humanidad. Ito ay tungkol sa pagprotekta sa parehong tao at ng kanyang natural na kapaligiran.” Kapanalig, kailangang mas maigting ang laban natin sa climate change ngayon dahil mas marami ng tao ang apektado nito, at dadami pa kung hindi tayo kikilos.
Sumainyo ang Katotohanan.