3,352 total views
Higit-400 indibidwal ang nakibahagi sa pagbibisikleta at paglalakad para sa kalikasan na magkatuwang na pinangasiwaan ng Caritas Philippines at Arkidiyosesis ng Lipa sa Batangas.
Ayon kay Caritas PH President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, layunin ng 2nd Caritas Bike for Kalikasan na paigtingin ang kamalayan ng mamamayan tungo sa pangangalaga ng kalikasan lalo’t higit sa Verde Island Passage (VIP).
Nanganganib ang VIP mula sa malalaking proyekto tulad ng planong pagtatayo ng fossil gas o liquified natural gas powerplant na posibleng puminsala hindi lamang sa mga iniingatang yamang-dagat kun’di maging sa kabuhayan ng mga nasa coastal communities.
“Sana huwag nang dagdagan pa ng marami pang mga planta lalong lalo na itong mga fossilized fuels. Pangalawa ay panawagan din natin na ‘yung mga nandito na ngayon along the coast of the Verde Island Passage ay mag-implement at mag-observe ng proper environmental code… Kasi ang Verde Island Passage ‘yan ang one of the most recognized center all over the world ng marine life biodiversity. Very importante ‘yang Verde Island Passage, gusto nating protektahan ‘yan,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa panayam ng Radio Veritas.
Pinangunahan ni Bishop Bagaforo ang 28-kilometrong bike caravan mula Montemaria Pilgrimage Center sa Ilijan, Batangas City patungo sa Lagadlarin Mangrove Forest Park sa Lobo, Batangas.
Kasabay naman nito’y pinangunahan ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera ang banal na Misa sa Saint Michael Archangel Parish sa Lobo, Batangas at sinundan ng Walk for Creation/Walk for Verde Island Passage patungo sa Lagadlarin Mangrove Forest Park.
Hamon ni Archbishop Garcera na sa pagtatapos ng Season of Creation, ang bawat isa ay magkaroon ng konsensiya upang higit na maunawaan ang mga nangyayaring krisis sa kapaligiran.
Paliwanag ng arsobispo na mahalaga ito upang mabatid na ang tao ay tagapangalaga o katiwala lamang ng sangnilikha, at walang karapatang sirain ang mga likas na yaman para sa pansariling kapakinabangan.
“We are the stewards. Kung kaya’t sa ebanghelyo, tayo ay alipin ng Diyos. We are workers na dapat ngayon, disturbed na tayo sapagkat sinasabi ni Pope Francis ayon sa research, ang limit o init ng mundo ay umiinit pa na there is no turning back. Ibig sabihin, darating ang panahon, hindi na natin kaya sa ating kakayanan as human beings na ayusin o pahalagahan pa o i-maintain pa ang tinatawag nating mother earth. Kung kaya’t there is no turning back,” pahayag ni Archbishop Garcera.
Samantala, bilang pagtatapos ng gawain ay isinagawa ng mga nakibahagi ang pagtatanim ng 500 mangrove seedlings at coastal clean-up drive.
Ang Verde Island Passage ang itinuturing na ‘center of the center of marine shorefish biodiversity’ sa buong mundo kaya lubos na lamang ang pagsisikap ng mamamayan ng Batangas at iba pang karatig na lalawigan upang mapangalagaan ito laban sa tuluyang pagkasira.
Katuwang naman ng Caritas Philippines sa inisyatibo ang Catholic Relief Services (CRS) Philippines, Lipa Archdiocesan Ministry on Environment (AMEn), at Lipa Archdiocesan Social Action Center (LASAC).