3,396 total views
Iginiit ni Lipa Archdiocesan Ministry on Environment director, Franciscan Capuchin Fr. Mike Flores na nais ipabatid ng Santo Papa Francisco sa panibagong apostolic exhortation ang higit pang pagmamalasakit sa nag-iisang tahanan.
Tinukoy ni Fr. Flores ang Laudate Deum na sumusuporta sa ensiklikal na Laudato Si’ ng Santo Papa upang paigtingin ang pagkilos at pangangalaga sa naghihingalong kalikasan.
Ayon sa pari, kaakibat ng pagpapahalaga sa mga likas na yaman ay ang tungkulin ng bawat isa bilang mabubuting katiwala na magtataguyod at pakakaingatan ang sangnilikhang handog ng Diyos sa sangkatauhan.
“Kaugnay ng ating appreciation for this beautiful world is our responsibility na pangalagaan at ingatan ito sa anumang mga threats na maaaring makasira ng magandang mundong ito. At mga kapatid, hindi ito magagampanan ng iilang tao lamang o iilang grupo, kailangan ay sama-sama tayong lahat.” pahayag ni Fr. Flores.
Ibinahagi ni Fr. Flores na lubhang nababahala ang Santo Papa sa mga nangyayaring pinsala sa kapaligiran kung saan hindi na ito maituturing na climate change lamang kundi climate crisis.
Tagubilin ng pari sa mga mananampalataya na sa pagtatapos ng Season of Creation nawa’y patuloy na ipakita ang pagmamalasakit sa inang kalikasan, at unawain at tupdin ang mga isinasaad na aral mula sa Laudato Si’ at Laudate Deum tungo sa pangangalaga sa nag-iisang tahanan.
“So ibig sabihin, wag nang magpatumpik-tumpik sapagkat ‘yung ating nalalabing panahon para mabigyan ng aksyon itong ating sitwasyon ay paiksi nang paiksi habang hinahayaan nating magpatuloy itong mga sumisira sa ating mundo.” saad ni Fr. Flores.
Oktubre 4, 2023 nang isapubliko ng Kanyang Kabanalan Francisco ang Laudate Deum, kasabay ng paggunita sa patron ng sangnilikha na si San Francisco ng Asis, at pagtatapos sa pandaigdigang pagdiriwang ng simbahan sa Season of Creation.