4,537 total views
Humiling ng panalangin ang Filipino Catholics sa Israel para sa kaligtasan ng mamamayan sa patuloy na karahasan laban sa militanteng grupong Hamas.
Sa panayam ng Radio Veritas, binigyang diin ng grupo ang kahalagahan ng panalangin lalo na ngayong lubhang mapanganib ang kalagayan ng mamamayan ng Israel at Gaza strip.
“Unang una po ay humihingi kami ng dasal, talagang kailangan po namin ng prayer warriors sa panahong ito. Ipanalangin natin na walang inosente, walang mga bata, walang mga sibilyan na madamay pa.” bahagi ng pahayag ng grupo.
Inilarawan ng grupo ang kalunos-lunos na sitwasyon sa lugar lalo’t idineklara ng pamahaaan ng Israel ang digmaan sa pagitan ng militanteng Hamas kasunod ng pang-atake nitong October 7 dahilan ng pagkasawi sa 900 na indibidwal habang libu-libo naman ang nasugatan.
Pinayuhan ng grupo ang kapwa Pilipino na nasa Israel at karatig na mga lugar na maging alerto at manatili sa kanilang mga tahanan upang makaiwas sa kapahamakan dahil mayroong mga Iron Dome System ang Israel na makatutulong masalag ang anumang bomba na pinakakawalan ng militanteng grupo.
Tuloy-tuloy din ang pagdiriwang ng mga Banal na Misa sa mga kombento sa Israel para sa natatanging intensyon na matigil na ang karahasan gayundin ang kaliwanagan ng isip ng mga lider tungo sa pagkakasundo.
“Dito sa Holy Land, lahat ng kumbento ay binigyan ng mandato na mag misa at magdasal; sana talaga yung mga leader ng kanya kanyang mga bansa ay mabigyan na ng kaliwanagan na itigil na nila itong gyera upang wala nang mamatay pa at madamay pa.” saad pa ng Filipino Catholics sa Israel.
Hiling din ng grupo na ipanalangin ang 39 na Pilipinong kabilang sa Israel Defense Force reserve na lantad sa labis na panganib dahil sa pagharap sa digmaan sa Gaza strip.
Kabilang na rito sina:
1. Grant Najera
2. Francis Ford Agsalon,
3. Patrick Pineda,
4. Edlyn Aquino,
5. Jessie Gomez,
6. Gidon Agsaoay,
7. Vince Española,
8. Daniel Malabanan
9. Daniel Unkham
10. Gian Cruzat
11. Kylie Baoson
12. David Sarmiento
13. Amor Aldave
14. Sean Cayanan
15. Nadia Abunal
16. Ethan
17. Reshef Bigal
18. Rabbi Cruz
19. Darelle Tabucol
20. John Shaabi
21. Michelle Ilora
22. Yael Yumol
23. Yael Pramis
24. Joshua Tuazon
25. Joshua Laxamana
26. Danlee Saldua
27. Gai Tuazon
28. Lovy Aristorenas
29. Lilach Galle
30. Kate Rose Cunanan
31. Mary Kate Villaluz
32. Lovedeep Gamo
33. Diana Lee Camorongan
34. Dave Tabbuac
35. Adam Hortillosa
36. Ely Gamliel
37. Jarsen Jon Coronado
38. Joshua Semeon
39. Ricky Tagudinay
Sa tulong ng panalangin at pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria ay maging ligtas sa anumang kapahamakan at tunay na mamayani ang katarungan at kapayapaan sa sanlibutan.
Kumilos na rin ang pamahalaan ng Pilipinas para sa mahigit 30, 000 Pilipino sa Israel sa pangunguna ng Department of Migrant Workers kasama ang Department of Foreign Affairs at mga katuwang na ahensya sa posibilidad na paglikas ng mga Pilipinong migrante sa lugar.
Sa datos ng embahada ng Pilipinas sa Israel 29 na Pilipino ang nawawala, 22 ang na-rescue, isa rito ang nasa pagamutan, isa ang dinala sa isang hotel sa Tel Aviv, habang pito ang nanatiling unaccounted.
Paalala ng embahada sa mga Pilipino sa Israel na iwasan ang pagbiyahe, manatiling alerto at pakinggan ang siren alert para tumungo sa shelter at manatiling nakaantabay sa mga abiso na ilalabas ng embahada gayundin ang pakikipag-ugnayan sa mga grupo ng mga Pilipino sa nasabing bansa.