164 total views
Mga Kapanalig, habang tayo dito sa ating bansa ay nababahala sa mga isyung tila sinusubok ang pagpapahalaga natin sa buhay at karapatang pantao, may mga bahagi ng mundo kung saan higit na nasusubok ang pandaigdigang pagkakaisa laban sa karahasan at pagpaslang sa mga sibilyang naiipit sa mga madugong digmaan. Tingnan natin ang nagaganap sa Aleppo, ang pinakamalaking lungsod sa bansang Syria sa Gitnang Silangan.
Doon ay may matagal nang digmaan sa pagitan ng pamahalaan at mga rebeldeng lumalaban sa rehimeng Assad, ang pangulo ng Syria na tinuturing nilang mapanupil at mapang-api. Sinusuportahan ng Russia ang rehimeng Assad samantlang sinusuportahan ng Amerika at mga kaalyado nito ang oposisyon. Mula 2011, tumagal ang digmaang ito hanggang nasakop ng mga rebelde ang mahalagang siyudad ng Aleppo. Subalit buong bagsik na nilabanan ng pamahalaan ang pagkubkob ng mga rebelde sa Aleppo sa pamamagitan ng pagbomba at pagpulbos sa lungsod upang puksain at ubusin ang oposisyon. Sa kasamaang palad, napakaraming mga sibilyan ang naiipit sa digmaang ito—mga ordinaryong mamamayan, mga bata, at kababaihang walang kinalaman sa mga rebelde. Ayon sa isang ulat ng Syrian Observatory for Human Rights, simula noong Nobyembre lamang, halos 600 sibilyan, kasama ang mahigit 100 na mga bata, ang nasawi sa Aleppo mula nang ilunsad ng pamahalaan ang pinakahuli nitong opensiba upang bawiin ang Aleppo mula sa mga rebelde.
Mga Kapanalig, maaring itanong ninyo: bakit kailangan pa tayong mabagabag o makialam sa mga nagaganap sa napakalayong lugar ng Aleppo, samantalang mayroon tayong sariling mga problema ng mga pagpatay, karahasan, at digmaan dito mismo sa ating bansa tulad ng giyera kontra masamang droga?
Sa krisis na nagaganap sa Aleppo, sa walang habas na karahasan na ginagawa ng isang gobyerno laban sa mga sibilyang naiipit sa isang digmaan, nasasaksihan ng mundo ang kalupitang maaring gawin ng isang pamahalaan labas sa sarili nitong mga mamamayang walang kalaban-laban. Nasasaksihan din ng mundo na walang magawa ang iba pang mga bansa laban sa ganitong mga karahasan kahit na nakikita nila kung gaano kasama at kamali ang nangyayaring pagpatay sa mga tao.
Mga Kapanalig, dito nasusubok kung ano ang kayang gawin ng pandaigdigang komunidad o global community upang wakasan na ang isang napakalinaw na kasamaang nagaganap sa ating mundo. Isipin natin, mga Kapanalig, kung ang bawa’t bansa ay iisipin na wala tayong pakialam at walang dapat gawin sa mga ‘di makatao at ‘di makatuwirang karahasang nagaganap sa ibang bansa, sino pa ang makakasagip sa mga mamamayang inaapi ng sarili nilang pamahalaan? Kung ang bawat bansa ay sasabihing walang ibang bansang dapat makialam sa ginagawa nito sa sarili niyang teritoryo at sa sarili niyang mga mamamayan, paano na ang mga taong walang habas na pinapatay ng kanilang gobyerno dahil lamang may gusto itong puksaing mga kaaway?
Dahil sa posibilidad na ang mga pamahalaan ay maaring maging mapanupil at marahas laban sa mga mamamayan nito, bumuo ang maraming bansa ng mga organisasyong pandaigdigan, tulad ng International Criminal Court at ng United Nations, upang itaguyod at protektahan ang mga karapatang pantao ng lahat sa anumang bansang nakapaloob sa mga organisasyong ito. Ito rin ang dahilan kung bakit ang ating Simbahan ay malaki ang pagtingin sa papel ng ganitong mga pandaigdigang organisasyon sa pagtataguyod ng katiwasayan, seguridad, katarungan, at paggalang sa mga karapatang pantao. Ang pagsapi ng isang bansa sa mga organisasyong ito ay isang paraan upang protektahan ng mga mamamayan ang kanilang sarili laban sa mga namumuno sa kanila kung ang mga ito ay maging mapang-api at mapanupil.
Sa panahong ito ng Adbyento, sa panahong naghihintay tayo ng pagdating ni Hesus na ating tanging tunay na tagapaligtas at manunubos, ang mga taga-Aleppo ay naghihintay din ng kanilang kaligtasan mula sa karahasan at kamatayan. Ano kaya ang maari nating magawa? Pagnilayan po natin, mga Kapanalig.
Sumainyo ang katotohanan.