163 total views
Mga Kapanalig, madadagdagan na kaya ang buwanang pensyon ng mga miyembro ng SSS sa darating na taon?
Ayon sa Social Security System, kailangan lamang ng joint resolution mula sa ating mga kongresista at senador upang makapagpatupad ito ng pension hike simula sa 2017. Ilalakip ito sa isang SSS resolution na ipapadala naman sa pangulo upang pormal na pagtibayin. Sakaling matuloy, isang libong piso muna bawat buwan ang ipagkakaloob sa mga pensyonado sa Enero 2017, hanggang sa marating ang kabuuang dalawang libong pisong dagdag sa taóng 2019.
Bago sila magbakasyon, nagpasá noong nakaraang linggo ang ating mga senador ng isang resolusyong nananawagan para sa karagdagang isang libong piso sa SSS monthly pension. Ayon sa mga senador, aabot sa dalawang milyong retired pensioners ang makikinabang. Ang pinakamababa o minimum na halagang matatanggap ay 2,200 piso kada buwan.
Gayunman, may mga senador na nagpaalalang ang pagtataas ng benepisyong ipinagkakaloob sa mga kasapi ng SSS ay dapat na pagsasaalang-alang sa “buhay” ng pondo. Ayon sa isang senador, ang kasalukuyang pondo ng SSS ay maaaring umabot sa taong 2042 ngunit sa pagtataas ng pension, tatagal na lamang daw ito hanggang 2028. Maiiwasan lamang ito kung tataasan ang kontribusyon ng mga kasapi.
Bigo naman ang mga mambabatas sa Mababang Kapulungan na magpasa ng kanilang resolusyon. Maghihintay na nga talaga ang mga SSS members ng bagong taon.
Mga Kapanalig, layunin na kapanatagang panlipunan o social security na tiyakin ang kapakanan ng mga manggagawa at ng kanilang mga pamilya sa panahong hindi na nila kayang magtrabaho dahil sa edad, sakit, o kapansanan. Malaking bagay ang pensyong natatanggap ng mga kasapi ng programang gaya ng SSS, lalo na sa mga walang ibang mapagkukunan ng ikabubuhay sa sandaling ang pangunahing tagapagtaguyod ng kanilang pamilya ay wala nang kakayahang maghanapbuhay. Kaya naman, ang anumang pagbabago sa programang naghahatid ng serbisyong ito ay mahalagang tutukan, at makatutulong sa ating pagsusuri ang mga prinsipyo ng panlipunang katuruan ng Simbahan.
Una, itinataguyod ng social security ang dignidad ng tao. Sa pamamagitan ng mga benepisyong natatanggap ng mga miyembro, natutulungan silang makaagapay sa buhay kapag sila ay nagkasakit o tumanda na. Tungkulin ng pamahalaan at ng isang lipunang kumikilala sa dignidad ng tao na tiyaking ang mga manggagawang nag-ambag sa kaunlaran ng bayan ay nakapapamuhay nang may dignidad kahit na sila ay may karamdaman o may edad na.
Ikalawa, itinataguyod ng social security ang kabutihan ng lahat o ang prinsipyo ng “common good.” Sa pagtiyak na ang mga benepisyo ay maayos na natatanggap ng mga miyembro ng isang social security program at ang sistema ay hindi naaabuso ng mga nagpapatakbo nito, nagagawa nating pangalagaan ang kapakanan ng ating kapwa.
Ikatlo, nagiging daan ang social security upang kilingan ng lipunan ang mga mahihirap, ang mga manggagawang kumikita ng maliit.
At panghuli, pinagtitibay ng social security ang tinatawag nating “subsidiarity,” ibig sabihin, ang mga institusyon sa ating lipunan, gaya ng pamahalaan, ay natutulungan ang mga mas maliliit na institusyon, gaya ng mga pamilya, na magkaroon ng sapat at makataong pamumuhay.
Sa pamamagitan ng social security, ang mga manggagawa ay nabibigyan ng proteksyon laban sa mga bunga ng kawalan ng trabaho, karamdaman, katandaan, at kamatayan. Maliit kung tutuusin ang hinihinging dalawang libong dagdag sa buwanang pensyon ng mga kasapi ng SSS. Bagamat may epekto ito sa buhay ng pondo, hindi lamang ito isyung pananalapi at hindi rin dapat bahiran ng pulitika. Isa itong isyung morál. At tayo, mga Kapanalig, ay may nakatutulong isulong ang layunin ng social security, lalo para sa mga mahihirap, sa pamamagitan ng pag-unawa sa isyu ng SSS pension hike.
Sumainyo ang katotohanan.