564 total views
Mga Kapanalig, mukhang kating-kati na si Pangulong Duterte na magdeklara ng batas militar o martial law. Bakit kaya?
Sa isang pagtitipon ng mga kababaihan sa Pampanga noong nakaraang linggo, binanggit ng pangulo ang pagnanais niyang maisama sa mga aamyendahan sa Saligang Batas ang pagbibigay sa pangulo ng kapangyarihang isailalim ang isang lugar o ang buong bansa sa batas militar nang hindi na kailangan pang kunin ang pagsang-ayon ng Kongreso at ng Korte Suprema. Katwiran niya, pinababagal ng pagkuha ng pagsang-ayon ng dalawang sangay ng pamahalaan—ito nga po ang lehislatura at hudikatura—ang pagtugon ng pamahalaan kapag mayroong digmaan. Dagdag pa ng pangulo, ang mga inilatag na rekisitos ng ating Konstitusyon sa pagdedeklara ng batas militar ay “reckless reaction”, bara-barang reaksyon lamang sa rehimeng Marcos.
Matatandaan natin, mga Kapanalig, na makailang ulit nang pinalutang ni Pangulong Duterte ang ideya ng pagdedeklara niya ng batas militar. Una ay noong Agosto kung saan nagbanta siyang magdeklara ng batas militar matapos punahin ni Chief Justice Maria Lourdes Serreno ang giyera kontra droga ng administrasyon, na hindi na kinikilala ang tamang proseso ng batas at sa maraming pagkakataon ay lumalabag sa mga karapatang pantao ng mga biktima. Muli niyang inamin ang kagustuhang magdeklara ng batas militar noong Oktubre, kung saan, sa harap naman ng isang Jewish community, ay sinabi niyang ito ang nakikita niyang solusyon sa aniya’y lumalalang problema ng masamang droga sa bansa.
Maaari bang magdeklara ng batas militar ang pangulo? Opo, ngunit ayon sa ating Saligang Batas, ito ay sa panahon lamang ng pananalakay o invasion at paghihimagsik o rebellion. Ito ay maaari lamang tumagal nang 60 araw, sapat na panahon upang ipanumbalik at panatilihin ang kaligtasang pambayan. Sa loob ng unang dalawang araw ng pagpapahayag ng batas militar, kailangang mag-ulat ang pangulo sa Kongreso, na siyang maaaring magpawalang-saysay o kaya naman ay magpalawig ng deklarasyon. Ire-review naman ng Korte Suprema ang mga batayan ng pagpapasailalim ng isang lugar sa batas militar o ang pagsuspindi sa pribiliheyo ng writ of habeas corpus.
Mga Kapanalig, sa inyong palagay, tayo po ba ay nakararanas ng marahas na pananalakay o malawakang rebelyon? Nasa balag po ba ng alanganin ang ating soberenya o kasarinlan bilang isang bansa? Mayroon po bang himagsikan sa ating paligid at nanganganib an gating ga buhay? May mas malalaki pa tayong problema bilang isang bayan, at hindi matutugunan ang mga ito ng batas militar.
Mula sa lente ng mga panlipunang katuruan ng Simbahan, ang pulitikal na kapangyarihan o political authority ay mahalagang salik ng buhay ng mga tao sa lipunang kanilang ginagalawan. Mahalaga ang mga pinunong pinamamahalaan ang kanilang nasasakupan upang magpunyagi para sa kabutihan ng lahat o ang common good. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng political authority, nagiging mas maayos at matwid ang isang lipunan. Ngunit hindi nito dapat pinipigilan ang malayang pagkilos ng mga indibidwal o grupo, bagkus ay iginigiya silang gamitin ang kanilang kalayaan tungo sa kabutihan ng lahat. Posible lamang ang paggabay na ito ng mga nagpapatakbo ng pamahalaan kung kanilang igagalang at pangangalagaan ang kalayaan at mga karapatan ng mga mamamayan. Sa ganitong sitwasyon, ang mga tao na mismo ang kusang-loob na susunod sa mga patakarang umiiral sa kanilang lipunan.
Kaya mga Kapanalig, hindi naman po siguro kalabisan kung ating itatanong kung bakit paulit-ulit na sinasambit ni Pangulong Duterte ang kagustuhan niyang magdeklara ng martial law. Ano kaya tunay at malalim na dahilan?
Si Hesus na isinilang ngayong Pasko at ang ating tanging manunubos ay nilabanan ang tukso ng labis na kapangyarihan. Hindi Niya itinuring ang sarili bilang isang pinunong makapangyarihan, ngunit bilang isang haring naglilingkod at nag-alay pa ng buhay. Ito ang tunay na kapangyarihan. Gaya nga ng sinabi ni Pope Francis: “Authentic power is service.”
Sumainyo ang katotohanan.