448 total views
Mga Kapanalig, noong ika-4 ng Oktubre, inilabas ni Pope Francis ang kanyang bagong apostolic exhortation na pinamagatang Laudate Deum. Kasabay ito ng pagtatapos ng Season of Creation 2023 at pagdiriwang ng kapistahan ni San Francisco de Asis, ang patron ng kalikasan. Ang Laudate Deum ay tinatawag na sequel o kasunod ng Laudato Si’ na ensiklikal ni Pope Francis noong 2015. Ang bagong dokumento ay panawagan ng Santo Papa sa pagtugon sa krisis sa klima, lalo na’t nalalapit na ang COP28 o ang 28th Conference of the Parties to the UN Framework Convention on Climate Change na gaganapin sa Dubai.
Walong taon na ang nakalipas matapos ilabas ni Pope Francis ang Laudato Si’ kung saan ipinahayag niya ang kanyang mensahe tungkol sa pangangalaga sa nag-iisa nating tahanan. Sa Laudate Deum, ibinahagi ng Santo Papa ang kanyang pag-áalala at panawagan para sa buong mundo tungkol sa krisis sa klima. Wika niya, sa kabila ng lumalaganap na climate change denial o pagtatanggi at pagdududa sa siyentipikong consensus sa pagbabago ng klima, hindi na maikakaila ang mga tumitinding epekto ng climate change. At ang pinakaapektado ay ang mga bulnerableng sektor at mahihirap na bansang kumpara sa mayayamang bansa, ‘di hamak na maliit lang ang kontribusyon sa greenhouse gas emissions na nagpapainit sa mundo. Gayunpaman, mabagal at hindi raw sapat ang pagtugon natin sa lumalalang krisis sa klima habang posibleng papalapit na ang mundo sa breaking point nito. Batay nga sa mga record-breaking extreme weather events nitong mga nakaraang buwan, kailangang seryosohin na ng pandaigdigang komunidad ang pagpigil sa tumitinding pag-init ng mundo. There is no time to lose.
Isa sa mga makasaysayang extreme weather events nitong taon ay ang naganap na “hottest summer” sa mundo. Ayon sa World Meteorological Organization at Copernicus Climate Change Service ng European Union, naranasan ng mundo ang pinakamatinding tag-init on record sa Northern Hemisphere noong Hunyo hanggang Agosto nitong taon. Paliwanag ng mga siyentipiko, ang tumitinding pag-init ng mundo ay dulot ng pagsusunog ng mga fossil fuels katulad ng coal, petrolyo, at natural gas. Kaya naman, nagbabala si UN secretary general António Guterres na nagsisimula na ang climate breakdown.
Panawagan din ng Santo Papa ang “multilateralism from below” o ang pagtutulungan ng mga bansa mula sa ibaba kung saan hawak ng mga mamamayan ang kapangyarihang pulitikal sa pagtugon sa krisis sa klima. Hangga’t nangingibabaw ang interes ng mga makapangyarihang pagpapalago ng kìta ang prayoridad, hindi makokontrol ang pinsala sa kapaligiran. Wika ni Pope Francis, kailangan ang pagpapataas ng demokratisasyon sa pandaigdigang konteksto. Hindi raw nakatutulong para sa atin ang pagsuporta sa mga institusyong nagtataguyod sa pribilehiyo ng mga makapangyarihan at hindi inaalala ang kabutihang panlahat.
Binigyang-diin din ni Pope Francis sa Laudate Deum ang pagpapanatili ng pag-asa. Aniya, ang pagtanggap na wala nang pag-asa ay tila pagpapakamatay. Ito daw ay nangangahulugang paglantad sa sangkatauhan, lalo na sa pinakamahihirap, sa pinakamasamang epekto ng climate change. Sa darating na COP28, ipagdasal nating mabigyang-daan ang mga hakbang sa epektibong pagtugon sa krisis sa klima katulad ng mabilis at makatarungang energy transition. Dito naman sa Pilipinas, ipanawagan natin sa pamahalaan ang karapatan natin sa climate justice at isulong ang mga patakarang tunay na mangangalaga sa nag-iisa nating tahanan at magtataguyod sa kabutihang panlahat.
Mga Kapanalig, ipinapaalala sa atin ng Laudate Deum na tayo ay bahagi ng Kalikasan. Ang mundong nakapaligid sa atin ay hindi bagay para pagsamantalahan at walang-pigil na gamitin. Tandaan natin ang salita sa Mga Bilang 35:34 na huwag nating dungisan ang lupaing ating tinitirhan, sapagkat ang Panginoon ay naninirahan kasama ng sambayanan.
Sumainyo ang katotohanan.