601 total views
Mga Kapanalig, sumuko na noong isang linggo ang anim na pulis na sangkot sa kaso ng pagpatay kay Jerhode Baltazar o Jemboy. Napaslang si Jemboy, labimpitong taong gulang, noong ika-2 ng Agosto sa Navotas City habang naghahanda siya at ang kanyang kaibigang pumalaot para mangisda. May hinahanap na suspek na magnanakaw ang mga pulis noon at napagkamalan nila ang magkaibigan. Karagdagan si Jemboy sa listahan ng mga napatay sa kamay ng mga pulis–mga taong sumumpang paglilingkuran at poprotektahan ang taumbayan.
Sinasabing may mga iregularidad sa naging operasyon ng mga pulis. Ilan sa mga ito ay ang pagsusuot ng Navotas police ng body camera na walang baterya, ang pamamaril nila sa magkaibigan kahit sumusuko sila, at ang pag-iwan nila sa katawan ni Jemboy sa ilalim ng ilog nang mahigit tatlong oras. Lahat ito ay labag sa mga panuntunan ng pulisya sa pagsasagawa ng mga operasyon.
Dagdag pa mga ito, isiniwalat ng kaibigan ni Jemboy na si Sonny Boy Augustilo na pinagsusuntok at pinilit siya ng mga pulis na magsinungaling sa kanyang affidavit tungkol sa nangyari. Aniya, gusto ng mga pulis na sabihin niyang may dalang baril at droga si Jemboy nang mangyari ang insidente. Kinailangan niya raw magsinungaling “para sa kapulisan na mawawala raw sa serbisyo.” Samakatuwid, gusto ng mga pulis na pagtakpan ni Sonny Boy ang ginawa nilang pagpaslang sa kanyang kaibigan.
Noong isang linggo, inilabas na ng Navotas Regional Trial Court Branch 286 ang arrest warrant sa anim na pulis. Kusang loob naman silang sumuko sa Criminal Investigation and Detection Group-Lucena City. Hindi maaaring magpiyansa ang mga pulis dahil pagpatay o murder ang kaso nilang labag sa Article 248 ng Revised Penal Code. Batay ang desisyon ng korte sa resolusyon ng City Prosecutor at mga supporting evidence katulad ng Joint Sworn Statement ng dalawang pulis na sangkot sa insidente, Certificate of Death at Autopsy Report sa mga labi ni Jemboy, at iba pa.
Binibigyang-diin ng turo ng Simbahan na tungkulin natin bilang mga Kristiyano na tuligsain ang kasalanan, lalo na ang kasalanan ng kawalang katarungan at karahasang kumikilos sa iba’t ibang paraan sa ating lipunan. Bilang mga tagasunod ni Hesus, hinihimok tayo ng Simbahang itaguyod ang dignidad ng mga inaapi sa lipunan, at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Kung patuloy na yuyurukan ang karapatan ng mga naisasantabi, higit na titindi ang kawalan ng katarungan at paggamit ng karahasan sa ating lipunan. Nauuwi ito sa paglakas ng mga istrukturang makasalanan (o structures of sin) o mga institusyon, ugnayan, o sitwasyong taliwas sa magandang plano ng Diyos. Ang mga istrukturang makasalanan ay bunga at ekspresyon ng mga personal at indibidwal na kasalanan.
Maituturing nang istrukturang makasalanan ang kultura ng karahasan at pagpatay sa bansa natin ngayon. Higit itong nakababahala sapagkat nagmumula ito sa insititusyong sumumpang paglilingkuran at poprotektahan ang taumbayan. Kaya naman, isang pasulong na hakbang sa pagkamit ng hustisya para kay Jemboy at paglaban sa mga istrukturang makasalanan ang naging hatol ng korte at pagsuko ng mga pulis. Gayunpaman, marami pa ring kaso ng pagpatay at pagyurak sa karapatan ng tao ang nanatiling walang usad, kabilang ang mga pinaslang sa ngalan ng giyera kontra droga.
Mga Kapanalig, huwag tayong mapagod na kundenahin at manawagan ng hustisya para sa mga pinapatay sa bansa–mga bata, mga taong bahagi ng buhay ang droga, mga mamamahayag, mga environmental defenders, at iba pa. Paalala nga mula sa 1 Mga Cronica 28:20, “huwag kang matakot sapagkat ang Diyos ay sumasaiyo, hindi ka Niya iiwan, o pababayaan man, hanggang sa ang lahat na gawain sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon ay matapos.”
Sumainyo ang katotohanan.