2,617 total views
Paggunita kay San Ignacio ng Antioquia, obispo at martir
Roma 1, 16-25
Salmo 18, 2-3. 4-5
Ang langit ay nagdiriwang
sa Panginoong marangal.
Lucas 11, 37-41
Memorial of St. Ignatius of Antioch, Bishop and Martyr (Red)
Mga Pagbasa mula sa
Martes ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Roma 1, 16-25
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, hindi ko ikinahihiya ang Mabuting Balita tungkol kay Kristo, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat nananampalataya — una’y sa mga Judio at gayun din sa mga Griego. Inihahayag nito na ang pagpapawalang-sala ng Diyos sa mga tao ay nagsisimula sa pananampalataya, at nagiging ganap sa pamamagitan ng pananampalataya. Ayon sa nasusulat, “Ang pinawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.”
Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong sumisiil sa katotohanan sa pamamagitan ng kanilang kasamaan. Ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, yamang inihayag ito sa kanila ng Diyos. Mula pa nang likhain niya ang sanlibutan, ang kalikasang di nakikita, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos ay maliwanag na inihahayag ng mga bagay na ginawa niya. Kaya’t wala na silang maidadahilan. Kahit na kilala na nila ang Diyos, siya’y di nila pinarangalan bilang Diyos ni pinasalamatan man. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan at nadimlan ang kanilang mga hangal na pag-iisip. Sila’y nagmamarunong ngunit lumitaw na hangal nang talikdan nila ang kadakilaan ng Diyos na walang kamatayan at sambahin ang mga larawan ng taong may kamatayan, ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nilalang na nagsisigapang.
Kaya hinayaan na sila ng Diyos sa kanilang maruruming pita hanggang sa magumon sila sa paggawa ng kahalayan sa isa’t isa. Tinalikdan nila ang katotohanan tungkol sa Diyos at pinalitan ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang nilalang sa halip na ang Lumalang na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 2-3. 4-5
Ang langit ay nagdiriwang
sa Panginoong marangal.
Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!
Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!
Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang,
patulay na nag-uulat sa sunod na gabi’t araw.
Ang langit ay nagdiriwang
sa Panginoong marangal.
Walang tinig o salitang ginagamit kung sa bagay,
at wala ring naririnig na kahit na anong ingay;
gayun pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,
ang balita’y umaabot sa duluhan ng daigdig.
Ang langit ay nagdiriwang
sa Panginoong marangal.
ALELUYA
Hebreo 4, 12
Aleluya! Aleluya!
Buhay ang salita ng D’yos,
ganap nitong natatalos
tanang ating niloloob.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 37-41
Ang Mabuting balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pagkatapos magsalita ni Hesus, siya’y inanyayahan ng isang Pariseo upang kumain, kaya’t pumunta siya sa bahay nito. Pagdulog sa hapag, nagtaka ang Pariseo nang makita niyang kumain si Hesus nang hindi muna naghugas ng kamay. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Pariseo, hinuhugasan ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan, ngunit ang loob ninyo’y punong-puno ng kasakiman at kasamaan. Mga hangal! Hindi ba’t ang may likha ng labas ang siya ring may likha ng loob? Ngunit ipamahagi muna ninyo sa mga dukha ang mga laman ng mga sisidlan at magiging malinis ang lahat ng bagay para sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Mulat sa ating pagiging hindi karapat-dapat, itinataas natin ang ating mga isip at puso sa Diyos Ama at inilalahad natin sa kanya ang ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, ibigay mo sa amin ang iyong espiritu.
Ang Simbahan, lalo na ang kanyang mga pinuno, nawa’y isapuso ang gawain ng pagbabago at pagbabalik-loob, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga opisyal ng gobyerno nawa’y magpakita ng tunay na malasakit para sa katarungan, dangal, at pagkakaisa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagtatrabaho sa media nawa’y akayin ang mga tao sa katotohanan at isulong ang pinahahalagahan ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng pag-asa, kagalingan, lakas, at kasiyahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y bigyang gantimpala ng Panginoon sa kanilang tapat na paglilingkod ng walang hanggang kaligayahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, tulungan mo kaming ibigin at paglingkuran ka sa espiritu at katotohanan sa pamamagitan ni Kristo ang aming Daan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.