340 total views
Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita si Jesus sa mga tao, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan at nagsabi sa kanya, “Mapalad ang babaing nagdala sa inyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa inyo!” Ngunit sumagot siya, “Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”
————
Kapag ang anak ay naging ganap at sikat sa anumang larangan, madalas ang iniisip natin, napakapalad ng mga magulang na magkaroon ng ganitong anak. Nakakalimutan natin na bagama’t ang anak ay pinagpala ng mga kakayahan, ang mga magulang ang siyang kumikilala at humahasa ng mga kakayahan ng anak, at sila rin ang humuhubog ng ugali at personalidad nito.
Sa pagbasa sa araw na ito, inilagay si Maria ng babaing sumigaw, sa papel lamang ng isang mamalya. Sa tugon ni Jesus, inilagay niya si Maria sa espirituwal na antas – yaong “nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito.” Si Maria ay hindi pangkaraniwang ina. Siya ay tunay na kakaiba sapagkat siya ang nagpalaki sa Anak ng Diyos. Ayon sa sinulat ni Pope Paul VI, si Maria ang UNA at PINAKA PERPEKTONG DISIPULO ni Kristo.
Panginoong Jesus, sa pamamagitan ng iyong Espiritu, nawa’y matularan namin ang iyong ina!