2,844 total views
Itinanggi ng Arsobispo ng Cebu ang kumakalat na video promotion tungkol sa pagbasbas sa imahe ng Santo Nino hubad.
Ayon kay Archbishop Jose Palma, batay sa nakalap na impormasyon ay isang nagpakilalang pari ang may promotion sa social media sa hubad na imahe ng Sto. Nino bilang pampa-suwerte.
Nanindigan si Archbishop Palma na walang katotohanan ang mga sinasabi sa kumalat na video promotion.
Iginiit ng arsobispo na iisang imahe lamang ng Santo Nino ang itinataguyod ng arkidiyosesis katulad ng nakadambana sa Basilica Minore del Sto. Nino de Cebu.
“Wala ko’y gibenditahan nga hubad nga Snr. Sto. Nino, ang iyang gisulti dili tinuod, [Wala akong binasabasan na hubad na Snr. Sto. Nino, ang kanyang mga sinabi (sa video promotion) ay walang katotohanan].” bahagi ng pahayag ni Archbishop Palma.
Pinaalalahanan naman ng Basilica Minore del Sto. Nino de Cebu ang mga deboto na iisa lamang ang official facebook page ng dambana.
“Any other Facebook pages bearing the name of the Basilica is not in any way connected to the institution. We would like to remind all the faithful to be mindful and careful of these pseudo accounts.” ayon sa basilica.
Hinimok nito ang mananampalataya na i-report ang mga nagsulputang FB account na ipinangalan sa basilica upang maiwasan ang scam.
Binigyang diin ni Archbishop Palma na walang kinalaman sa pananampalataya ang Sto. Nino de la Suerte sapagkat ang sacred images ng simbahan ay tumutulong sa pagpapalago ng pananampalataya at ugnayan sa Panginoon at hindi pampasuwerte.
Pinag-iingat nito ang publiko lalo’t laganap sa lipunan ang mga mapanamantalang indibidwal na ginagamit ang simbahan sa fradaulent activities.
Matatandaang ang Santo Nino de Cebu ay isa sa mga tanyag na debosyon sa Pilipinas kung saan ipinagdiriwang ang kapistahan tuwing Enero na dinadaluhan ng milyong mananampalataya gayundin ng mga turistang lokal at dayuhan.