3,134 total views
Binigyang pagkilala ng Cooperative Development Authority ang Radio Veritas 846 at Buhay Kooperatiba Program ng himpilan.
Ang parangal ay sa patuloy na pakikiisa ng himpilan sa pangunguna ni Father Anton CT Pascual – Pangulo ng Radio Veritas sa mga adbokasiya na isinusulong ang kooperatibismo sa bansa.
Ang pagkilala ay ginanap sa CDA Gawad Parangal 2023 sa Philippine International Convention Center kung saan bukod sa mga media partners ay pinarangalan din ng ahensya ang mga natatanging kooperatiba, indibidwal, estudyante at institusyon na kaisa sa pagsusulong ng kooperatiba.
Nagpapasalamat din si CDA Chairman Joseph Encabo sa mga pinarangalan sa gawain dahil kaisa sila sa mga adbokasiya ng ahensyang nangangasiwa sa mga kooperatiba sa Pilipinas.
Ilan sa mga adbokasiya ang pangangalaga sa sama-samang yaman ng mga miyembro ng mga kooperatiba upang mapaunlad ang pamumuhay ng kanilang mga miyembro.
Ngayong taon ang tema ay “Cooperatives: Pioneering the Path to Recovery Amidst Modern Challenges of Climate Change and Food Security”.
“Maraming salamat po sa patuloy ninyong pagmamahal at suporta at pagtataguyod ng kooperatibismo sa ating bansa, ito ay isang pagpapatunay na mahalaga po ang samahan sa kooperatibismo at ang kontribusyon na naibigay natin sa ating bansa lalung-lalu na sa pagbigay solusyon ng ating napapanahong problema kagaya ng climate change at food security,” pahayag ni Encabo.
Sa pinakabagong talaan ng CDA ngayong 2023, umaabot na sa higit 20-libo ang kabuoang bilang ng mga kooperatiba na binubuo ng mahigit na 19-milyong miyembro sa ibat-ibang bahagi ng Pilipinas.