2,709 total views
Tiniyak ng Archdiocese of Manila ang patuloy na paghahanda sa paggunita ng World Day of the Poor sa susunod na buwan para tulungan ang mga pinaka-mahihirap.
Inihayag ni Father Anton CT Pascual – Pangulo ng Radio at Executive Director ng Caritas Manila na lalung pinalawak ng social arm ng Archdiocese of Manila ang adbokasiya na maging ‘Church of the Poor’.
Ayon kay Fr. Pascual, ang simbahan ang lumalapit at naghahanap sa mga mahihirap upang mapabuti ang kalidad ng kanilang pamumuhay.
“At ito po ay programa ng ating Santo Papa upang pukawin sa kamulutan ang lahat ng kahalagahan ng ating pagmamalasakit sa mga mahihirap, sabi nga sa Mateo 25, sinabi ni Hesus sa paghuhusga sa katapusan ng sanlibutan, anuman ang gawin mo sa pinakamaliit ay ginagawa mo sa akin, kaya ang basehan ng ating kaligtasan o kapahamakan sa katapusan ng sanlibutan ay kung gaano po tayo nag malasakit sa mga dukha kaya sa bansang Pilipinas, ang atin pong PCP Vision is to be the church of the poor,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Pascual.
Nilinaw naman ni Father Joel Rescober – Rector at Parish Priest ng Archdiocesan Shrine of Our lady of the Miraculous Medal and Saint Vincent De Paul Parish ang paghahanda para sa World Day of the Poor.
Sinabi ni Fr.Rescober na nakikipag-ugnayan ang kanilang parokya sa Caritas Manila at Commission on Social Service and Development sa pangunguna ni Father Eric Adoviso para sa muling pagdaraos ng programa para sa mga mahihirap sa Saint Vincent De Paul Parish.
Ayon kay Father Rescober, noong 2022 ay umaabot sa 500-mahihirap na pamilya ang bahagi ng programa ng pagpapakain, pagpapaligo, pagpapagupit at pamamahagi ng Manna Bags sa Saint Vincent De Paul Parish bilang paggunita sa World Day for the Poor.
“I think also this year dito rin po ata, i am not sure yet, pero mayroon ng invitation sa akin and the parish is willing na dito ganapin, yung mga preparations ay coordination naman po with Fr.Eric Adoviso ng social ministry ng RCAM and with Caritas Manila so dito talagang isang araw ay parang ipinaparamdam at ipinadadama sa mga kapatid nating mahihirap na nandito ang simbahan na kahit papano, sa mga simple at maliit na pamamaraan ay matugunan ang kanilang immediate na pangangailangan, pagkain, mapaayos ang kanilang damit at mabigyan sila ng konting prevention,” ayon naman sa panayam ng Radio Veritas kay Father Rescober.
Ang World Day of the Poor ay sinimulang gunitain ng simbahang katolika noong 2017 matapos manawagan ang Kaniyang Kabanalang Francisco na paigtingin ang pagtulong sa kapwa higit na sa mga pinaka-nangangailangan sa lipunan.