220 total views
Naangkop sa kasalukuyang sitwasyon ng Pilipinas ang naging pahayag ng Kanyang Kabanalan Francisco sa World Day of Peace.
Ito ang pagninilay ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity sa naging panawagan ni Pope Francis sa pagsisimula ng taong 2017.
Paliwanag ng Obispo, tulad ng binigyang diin ng Santo Papa ay makakamit lamang ang kapayapaan kung iwawaksi ang karahasan at kalupitan sa lipunan.
Dahil dito, nanawagan si Bishop Pabillo na simulan ang kapayapaan at pagwawaksi ng kalupitan at karahasan sa sarili at sa mismong pamilya.
“Maganda yung message ng ating Santo Papa tungkol sa World Day of Peace, ang message niya that peace can be brought about by means of none violent means, non-voilent sa kanyang message at totoo naman hindi naman tayo pwedeng makakuha ng kapayapaan sa pamamagitan ng paraang hindi mapayapa. Tamang tama yan sa ating panahon ngayon na may mga taong naniniwala na magkakaroon ng kapayapaan at magkakaroon ng kaayusan sa pamamagitan ng kaguluhan, sa pamamagitan ng kamatayan, pakikipaglaban. Hindi yan ang sinabi ng Santo Papa at hindi yan ang sinabi ng ating Panginoong Hesus, that peace can only be brought about by non-voilent means by peaceful means at yan yung peace na yan ay magsisimula sa ating sarili at sa ating mga pamilya kaya kailangan din tanggalin ang violence sa pamilya natin…” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Sa homiliya ni Pope Francis sa pagdiriwang ng Misa kasabay ng Solemnity of Mary the Holy Mother of God at pagdiriwang ng World Day of Peace na may temang “Non-Violence: a Style of Politics for Peace”, ay binigyang diin nito ang kahalagahan ng pagpapatawad sa pagkamit ng pangkabuuang kapayapaan kung saan sa pamamagitan ng hindi pagganti ay siyang magtatapos ng karahasan at hindi pagkakaunawaan ng magkakaaway.
Sa sitwasyon ng Pilipinas, umaabot na sa 2,169 ang bilang ng mga namatay sa gitna ng lehitimong operasyon ng mga pulis laban sa ilegal na droga sa pagtatapos ng taong 2016, katumbas ito ng halos 11-insidente ng patayan araw-araw sa loob lamang ng 184 na araw mula ng magsimula ang War on Drugs sa bansa noong July 1.
Bukod pa dito ang halos 3-libong kaso ng pagkamatay sa ilalim ng Death Under Investigation ng PNP na inuugnay sa Extra Judicial Killings sa bansa.