486 total views
29th Sunday of Ordinary Time Cycle A
World Mission Sunday
Is 45:4-6 1 Thess 1:1-5 Mt 22:15-21
Kaunting kasaysayan lang. Noong panahon ni Jesus ang mga Judyo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga Romano. Walang silang independence. At mabigat ang kamay ng mga Romano sa kanila – mataas ang buwis sa kanila at gumagamit ang mga Romano ng mga tuta nila upang pagharian sila, tulad ni Herodes. Hari siya na iniluklok ng mga Romano at nang-aabuso siya ng kanyang kapangyarihan. Pinapakulong niya at pinapatay ang maibigan niya, tulad ng ginawa niya sa kanyang asawa, sa kanyang anak at kay Juan Bautista. Dahil dito ayaw ng mga Hudyo na magbigay ng buwis sa mga Romano pero wala naman silang magawa.
Ang mga pariseo ay mga Hudyo na strikto ang kanilang pagtupad sa batas ni Moises. Ang mga Herodians naman ay mga tauhan ni Herodes na kumakampi sa mga Romano. Nagsanib-fuersa ang dalawang grupong ito sa kanilang pagkagalit kay Jesus. Gusto nilang masilo si Jesus upang masiraan siya sa mga tao at upang may dahilan silang ipadakip siya. Ito ang dahilan ng kanilang tanong. Sumipsip pa sila kay Jesus upang palambutin ang kanyang puso. Kinikilala nila na siya ay isang tapat na guro. Katotohanan lang at ang ibig ng Diyos ang kanyang itinuturo. Hindi siya nagpapadala sa public opinion. Ang mahalaga sa kanya ay hindi ano ang sasabihin ng mga tao kundi ano ba ang kalooban ng Diyos. Talagang ganito si Jesus pero hindi naman siya madaling mabola ng ganitong papuri.
Ang tanong nila ay naaayon ba sa kautusan ng mga Hudyo na magbuwis sa mga Romano o hindi. Ang Cesar ay ang emperador ng mga Romano. Ang sagot na inaasahan nila ay oo o hindi, at sa anuman dito mapapasama si Jesus. Kung sasabihin ni Jesus na naaayon sa kautusan at dapat silang magbuwis sa mga Romano, madidisgusto ang mga tao sa kanya kasi galit nga sila sa mga Romano. Kung sasabihin niya na hindi ayon sa kautusan at huwag silang mabigay ng buwis, maisusumbong naman nila si Jesus sa mga Romano at ituturing siyang rebelde. Pero matalino si Jesus. Alam niya ang dahilan ng kanilang tanong kaya ang sagot niya ay hindi nila inaasahan. Humingi siya ng pera ng mga Romano na siyang ginagamit noon. Sa perang iyon ay nakatatak ang larawan ng Cesar, ang Roman emperor noon. May ganitong pera sila, na ibig sabihin, nakikinabang sila sa sistema ng mga Romano. Tinanong sila ni Jesus: “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito?” “Sa Cesar po!” Tama sila. Mahiwaga at malalim ang salita ni Jesus: “Ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar at sa Diyos ang sa Diyos.”
Ano ang ibig sabihin nito? Kayong nakikinabang sa pera at administrasyon ng Cesar, magbuwis kayo sa kanya. Dito sinasabi ni Jesus na dapat natin ibigay sa pamahalaan ang nararapat sa pamahalaan kasi nakikinabang tayo sa pamahalaan. Ibigay ang nararapat na paggalang, ang nararapat na serbisyo, ang nararapat na buwis. Sa panahon ng halalan, bumoto tayo. Makiisa tayo sa pagpatakbo ng pamahalaan kasi bahagi din tayo ng gobyerno.
Ibigay din sa Diyos ang sa Diyos. At ano ang sa Diyos? Ang lahat! Ang lahat ay nanggaling sa kanya. Ang lahat ng tao ay larawan ng Diyos. Nabubuhay tayo dahil sa kanya. Pati ang mga leaders ng pamahalaan ay nasa ilalim ng Diyos. Kaya pati ang mga namamahala ay dapat sumunod sa Diyos.
Madalas ginagamit ang kasabihan na ito ni Jesus upang sabihin na hiwalay ang kapangyarihan ng pamahalaan at ng simbahan – the separation of the church and the state. Hindi! Mali ang ganitong pag-unawa! Kasi pati ang estado ay nasa ilalim ng Diyos. Sila din ay dapat sumunod at maglingkod sa Diyos. Wala na silang karapatan na mamuno kung ang mga desisyon nila ay naghihiwalay sa atin sa Diyos. Siya ang una nating paglilingkuran. Mahalin at sundin natin siya nang higit sa lahat. Kaya makikiisa tayo sa mga namamahala kung ang kanilang pamamahala ay hindi naghihiwalay sa atin sa Diyos. Nangyari noong panahon ng mga Romano na pinagbabawalan ang mga Kristiyano na magsamba sa Diyos sa araw ng Linggo. Hindi ito sinunod ng mga Kristiyano. Marami sa kanila ay pinatay kasi nagsisimba sila sa araw ng Linggo. Kaya huwag tayo magpadala sa lahat ng sinasabi ng mga politiko. Suriin natin ang sinasabi at patakaran nila ayon sa batas ng Diyos. Ibigay sa Diyos ang para sa Diyos.
Ang Diyos nga ay makapangyarihan sa lahat, kinikilala man siya o hindi. Iyan ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias sa ating unang pagbasa. Ang mga Hudyo noon ay nakabalik sa Judea mula sa pagkapatapon sa kanila dahil sa Persian emperor na si Ciro. Ginamit ng Diyos ang emperor na ito, kahit na hindi niya kilala ang Diyos ng Israel, upang makabalik ang bayan ng Diyos sa kanilang lupain. Pinasabi ng Diyos kay Emperor Ciro: “Ako ang Panginoon, ako lamang ang Diyos at wala nang iba; palalakasin kita bagamat di mo pa ako kilala. Ginawa ko ito upang ako ay makilala ng buong daigdig, na makikilala nila na ako ang Panginoon; ako lamang ang Diyos at wala nang iba.” Pati ang mga hari, ang mga emperador ay nasa ilalim ng Diyos.
Kumikilos ang Diyos upang makilala siya ng buong daigdig. Pinapaala-ala ito sa atin ngayong World Mission Sunday. Ibig ng Diyos ay maligtas ang lahat ng tao at makaalam ng katotohanan. Ang misyon ng simbahan ay upang gawin ito. Pinadala ni Jesus ang buong simbahan upang ipaalam sa lahat ang Magandang Balita ng kaligtasan. Kaya ngayong World Mission Sunday pinupukaw muli ang ating commitment na maging misyonero.
Ipakilala natin si Jesukristo, ang anak ng Diyos, sa lahat. Siya ay naparito kasi mahal tayo ng Diyos. Siya ay nagbibigay buhay sa atin. Ito ang pagmimisyon. Ibahagi ang magandang balitang ito. May mga tao na itinalaga na nila ang sarili nila para dito. Kinareer na nila ito. Suportahan natin sila. Itinaya na nila ang buhay nila para dito. Ipagdasal natin sila. Suportahan natin sila kahit materially. Kaya ngayong Linggo magkakaroon tayo ng second collection para sa gawain ng mga misyonero. Pero tayong lahat ay nagdadala din ng magandang balita sa pagsasabuhay natin ng mga aral ng Panginoong Jesus. What the world needs now is love. Pag-ibig ang aral ni Jesus. At iyan ang buhay ng isang Kristiyano, magmahal sa Diyos at sa kapwa. Lumalaganap ang poot at ang takot. Napakaraming mga digmaan sa mondo natin ngayon. Mag-ambag tayo ng pag-ibig sa mundo! Ibigay natin sa Diyos ang sa Diyos. Pag-ibig ang alay natin sa Diyos.