667 total views
Mga Kapanalig, isa ka ba sa mga kumikuwestyon at kumukontra sa pagkakaroon ng confidential funds ng mga sibilyang opisina ng gobyerno?
Kung oo, kalaban ka ng bayan.
Sabi kasi ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte, “Kung sinuman [ang] kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan. Kung sino ang kumokontra sa kapayapaan ay kalaban ng bayan.”
Sa isang talumpati sa harap ng mga pulis sa Agusan del Norte noong ikaapat ng Oktubre, ipinagtanggol ng pangalawang pangulo ang pagtanggap ng kanyang opisina ng confidential funds noong 2022. Iginiit niyang nagamit ang pondong mula sa Office of the President para matugunan ang mga hindi inaasahang hamon sa seguridad katulad ng terorismo at organized crime. Ang mga sumasalungat daw sa paglilipat ng milyung-milyong confidential funds sa Office of the Vice President ay tumututol sa pagbibigay ng proteksyon sa taumbayan. Inilalagay daw sa panganib ng mga nais makompromiso ang seguridad ng mga tao ang kaunlaran ng bansa. Hindi naman niya direktang sinagot ang mahahalagang tanong kung paano nagawa ng kanyang opisina na maubos ang napakalaking confidential funds sa loob lamang ng labing-isang araw.
Para sa isang lider na nasa mataas na posisyon sa gobyerno at pinuno pa ng Kagawaran ng Edukasyon, hindi sana tayo nakaririnig ng tinatawag na non-sequitur. Ang non-sequitur ay tumutukoy sa isang konklusyon o pahayag na hindi lohikal na sumusunod sa sinundang argumento o pahayag. Halimbawa, ang mga pumupuna sa giyera kontra droga ay madalas ituring na tagasuporta ng mga drug lords at kumukunsinti sa mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Non-sequitur ito. Ang pagtutol sa war on drugs ay hindi nangangahulugang pagpabor sa paglaganap ng droga. Naniniwala ang mga tutol sa war on drugs sa karapatang pantao at tamang proseso ng batas o due process.
Isa pang halimbawa: ang mga kritiko ng gobyerno ay agad na tinatawag na kakampi o kasapi ng New People’s Army (o NPA) o ng anumang teroristang grupo. Non-sequitur din ito. Tumututol ang mga tao sa mga maling ginagawa ng mga nasa gobyerno dahil salungat ito sa kanilang sinumpaang tungkulin. At karapatan ng taumbayang papanagutin ang mga nasa gobyerno dahil umiiral pa rin naman ang demokrasya sa ating bansa.
Ang sabihing kalaban ng kapayapaan at kalaban ng bayan ang mga nagtatanong lamang kung saan at paano ginamit ang pondong mula sa buwis ng mga Pilipino ay isang malaking non-sequitur. Kung tunay ngang nagamit ang milyun-milyong confidential funds para sa kapayapaan at seguridad, ano ang pruweba? Ano ang katibayang nakatulong ang pondong ito kahit pa naubos ito sa loob lamang ng halos dalawang linggo? Bakit ginamit ito ng isang opisinang wala namang direktang kinalaman sa pagpapanatili ng kapayapaan? Madaling sagutin ang mga ito. Hindi kailangang gumamit ng mga non-sequitur o mga pangungusap na walang lohika.
Sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes, sinabi ni Pope Paul VI na ang kapangyarihang pulitikal o political authority—isang kapangyarihang nakaatang sa ating mga lider—ay dapat nakatuon sa common good o kabutihang panlahat. Kaya naman, ang pangangasiwa ng pondo ng bayan ay dapat na nakatuon sa kapakanan ng taumbayan. At sa isang demokratikong bansa, dapat na tinitiyak na hindi nagagamit ang pondong pinag-ambag-ambagan natin para sa kagustuhan lamang ng mga nasa poder. Dapat na inaalam natin kung tunay nga itong napunta sa dapat nitong paggamitan. Karapatan at tungkulin ito ng mga mamamayan. Hindi ito paglaban sa kapayapaan. Hindi ito paglaban sa bayan.
Mga Kapanalig, paalala nga sa Efeso 4:29, “Huwag kayong gumamit ng masasamang salita kundi iyong makapagpapalakas at angkop sa pagkakataon upang makapagdulot ng mabuti sa mga nakakarinig.” Hindi mabuti sa mga nakaririnig ang mga salitang paliguy-ligoy, itinatago ang totoo, at walang lohika.
Sumainyo ang katotohanan.