13,364 total views
Ang kuryente, kapanalig, ay mahalaga para sa ating ekonomiya. Kung wala nito, patay ang kabuhayan ng halos lahat. Hindi natin maitatatwa na pundasyon ng bayan ang maayos na suplay ng kuryente.
Sa ngayon, kapanalig, ang electrification rate ng ating bayan ay nasa 95.8%. Tinatayang mga mahigit 970,000 households na lamang ang wala pang access sa kuryente. Karamihan ng mga kabahayan na ito ay nasa Mindanao. Gumagawa na ng paraan ang pamahalaan upang maitawid na ang last-mile connectivity sa ating bayan.
Kaya lamang kapanalig, hindi lamang electrification rate ang hadlang sa access sa kuryente sa ating bansa. Ang presyo, kapanalig, kung ang consumers ang tatanungin mo, ang pinakamalaking sagabal sa access sa kuryente.
Ang kuryente sa Pilipinas ay pinakamataas sa ASEAN, ayon sa isang pag-aaral mula sa Philippine Center for Investigative Journalism. Ang presyo ng elektrisidad sa ating bayan ay nasa mga Php 9.86 per kilowatt-hour (kWh), habang ang Singapore, Php 10.15/kWh. Sa Malaysia ang pinakamura, na nasa Php 1.42/kWh.
Isa sa mga dahilan kung bakit mataas ang singil ng kuryente sa ating bayan ay ang generation charge, na siyang binabayad sa mga power suppliers/producers – yung mga nagbebenta ng enerhiya mula langis at coal. Dahil ang langis at coal ay iniimport natin, pag nagtaas ng dolyar, mas malaki ang binabayad natin. Mahigit 50% ng ating bayarin kada buwan sa mga power utilities ay ang generation charge.
Ang langis at coal kapanalig, ay malaking bahagi ng power supply mix ng bayan – dependent tayo dito. Humigit kumulang kalahati ng ating power supply ay mula sa langis at coal. Kaya malaki talaga ang gastos ng bayan para dito.
Syempre, kapanalig, maliban sa malaki ang gastos, malaki rin ang epekto ng pag-gamit ng langis at coal para sa power supply. Alam naman natin na ang mga ganitong uri ng power source ay nag-rerelease ng mga emissions na nagpapa-iinit ng ating mundo – nagpapalala ng climate change. Masama na ito sa kalikasan, masama rin sa kalusugan. Nagdadala sila ng polusyon sa atin hangin at mga maliit na particulates na pumapasok sa ating baga. So, triple whammy kapanalig – masakit na sa bulsa, nakakasama na sa kalikasan, masama pa sa kalusugan.
Kaya nga’t wise investment na ngayon ang renewable energy. Mahal man ang mga imprastraktura para dito, ang kanilang long-term benefits ay hindi matatawaran. Malaki ang magagawa nito para sa estado ng kuryente sa ating bayan, kaya sana, dali-dali na natin itong mailatag sa ating bansa. Siguro kapanalig, panahon na rin upang ating dinggin ang panawagan ni Pope Francis sa Laudato Si. Sabi niya, panahon na upang ating tahakin ang “ecological approach” sa ating pamumuhay – isang approach o paraan kung saan ating hinahabi ang katarungan panlipunan at pangkalikasan, upang ating madinig ang panaghoy hindi lamang ng maralita, kundi pati ng ating inang kalikasan.
Sumainyo ang katotohanan.