204 total views
Hinikayat ni Diocese of Gumaca Bishop Victor Ocampo ang mga mananampalataya na naapektuhan ng bagyong Nina na huwag mawalan ng pag-asa at lalo pang lumapit sa Diyos ngayong taong 2017.
Ayon kay Bishop Ocampo, ang krisis na atin naranasan lalo na dulot ng mga mapaminsalang kalamidad ay maaring maging daan upang lalong ilapit ang ating mga sarili sa Panginoong Diyos.
Sinabi pa ni Bishop Ocampo na hindi dapat magalit sa Diyos kung tayo ay nakakaranas ng pinsala ng kalikasan at sa halip ay manalangin at palakasin pa ang pananampalataya upang makabangon at maipagpatuloy ang buhay.
“Ang mga krisis ay mga pagkakataon na mag-pasya tayo na manalig sa atin Panginoon Diyos sa halip na magtampo, lumayo sa kanya o magalit sa kanya, sa halip lalo tayo dumikit,lumapit sa Panginoong Diyos para pagtibayin ang pananampalataya at pagtitiwala sa kanya,” pahayag ni Bishop Ocampo sa Radio Veritas.
Ipinagpasalamat naman ni Bishop Ocampo ang mabilis na pagtugon ng ilang mga institusyon ng Simbahan katolika partikular na ang Caritas Manila at Radyo Veritas para sa pangangailangan ng mga naapektuhan ng kalamidad sa kanilang lalawigan.
Aniya ang pagtugon na ito ng Simbahan ay pagpapamalas lamang ng tunay na diwa ng Pasko sa pamamagitan ng pagbibigayan at pagtutulungan.
Batay sa datos aabot sa mahigit 400 libong pamilya ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Nina partikular na sa Bicol region at mga karatig pa nitong lalawigan.
Una namang nagsagawa ang Archdiocese of Manila ng second collection sa mga misa nito noong nakalipas na Sabado at Linggo para itulong sa mga biktima ng kalamidad.
Read:http://www.veritas846.ph/special-collection-sa-mga-misa-para-sa-mga-biktima-ng-bagyong-nina/
Nagsagawa din ang Radio Veritas ng Damay Kapanalig telethon para sa mga apektado ng bagyong Nina.