13,247 total views
Mga Kapanalig, sa inilabas ng Malacañang na listahan ng mga regular holidays at special non-working days sa 2024, kapansin-pansing wala na ang paggunita sa EDSA People Power Revolution tuwing Pebrero. Paliwanag ng palasyo, pumatak daw kasi ang okasyon sa araw ng Linggo kaya “minimum” lamang ang “socioeconomic impact” nito kung gagawin pang holiday. Hindi ito kinagat ng ilan. Bakit daw ang Kapistahan ng Immaculada Concepcion na pumatak din sa araw ng Linggo ay nasa listahan ng holidays?
Hindi na nakagugulat ang ginawang ito ng administrasyon. Una sa lahat, ang nakaupong presidente ay anak ng diktador na pinatalsik ng taumbayan matapos ang maraming araw ng mapayapang pag-aaklas. Paalala ang EDSA People Power na ang taumbayan ang dapat na pinaglilingkuran ng mga nasa poder. Isa itong mahalagang yugto sa ating kasaysayan kung saan ipinakita nating hindi tayo sunud-sunuran lamang sa isang tao o sa isang pamilya. Ang mga araw na iyon ang nagpatunay na pinahahalagahan natin ang kalayaan, karapatang pantao, at demokrasya. Nagawa ng maraming Pilipino—mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay—na magsama-sama at magsimula ng pagbabago nang walang dugong dumanak. Sa rebolusyong ito, sinabi ng mga Pilipino sa mga Marcos at kanilang mga kasama sa pag-abuso sa kapangyarihan: “Tama na! Sobra na!”
Sa totoo lang, matagal na ang mga ginagawang pagbubura sa EDSA People Power mula alaala ng mga Pilipino. Mula nang payagang bumalik sa bansa ang pamilya ng diktador noong dekada ’90, sinamantala nila ang mga pagkakataong makatutulong sa kanilang makabalik sa poder. Ginamit nila ang kanilang kayamanan at impluwensya upang muli silang makatuntong sa gobyerno. Nitong nakaraang dekada, naging instrumento nila ang bagong teknolohiya upang magpakalat ng maling impormasyong magpapalimot sa maraming kababayan natin sa mga pang-aabusong naganap noong rehimeng Marcos. Ngayon ngang hawak na ng pamilya ang pinakamataas na posisyon sa ating pamahalaan, hindi na tayo magtataka kung gagawin nila ang lahat upang mas marami ang mapaniwalang hindi sila dapat papanagutin sa mga paglabag sa karapatang pantao noon at wala silang kailangang isauli sa perang winaldas nila para sa kanilang kapritso.
Hindi lamang sa pag-aalis ng EDSA People Power Anniversary sa listahan ng mga holiday ginagawa ang pagpapabango sa pangalan ng pinatalsik na diktador. Noong Setyembre lamang, iniutos ng Department of Education na gamitin ang salitang “diktadura” sa halip na “diktadurang Marcos” sa subject na Araling Panlipunan ng Grade 6. Ang Commission on Higher Education naman, sumang-ayon sa sinabi ng nag-sponsor ng budget nito sa Kamara na hindi raw nito dapat idikta sa mga estudyante na sang-ayunan ang naratibo tungkol sa martial law na naglagay sa nakatatandang Marcos sa posisyon sa napakahabang panahon. Hindi naman na raw interesado ang kabataan ngayon na pag-aralan ang madilim na yugtong ito sa ating kasaysayan. Ilan lamang ang mga hakbang na ito upang lubusang mabura sa ating gunita ang EDSA.
Ang Simbahang Katoliko sa Pilipinas ay isa sa mga naging instrumento ng mapayapang rebolusyong tumapos sa marahas at tiwaling rehimeng kumontrol sa ating bansa sa loob nang mahigit dalawang dekada. Kaya naman ipinaalala sa atin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (o CBCP), nang gunitain natin ang anibersaryo ng EDSA People Power Revolution noong isang taon, na lubhang mapanganib ang ginagawang pagbubura sa kasaysayan. Nilalason ng mga kasinungalingan at mga tinatawag na “false narratives” ang ating alaala bilang isang bayan. Sinisira ng mga ito ang pundasyon ng mga institusyong dapat na itinataguyod ang tama at itinutuwid ang mali.
Mga Kapanalig, sa harap ng patuloy na pagtatago ng katotohanan at pagkakalat ng kasinungalingan, huwag tayong makalilimot. Never forget. Lagi nating piliin at ipagtanggol ang katotohanang magpapalaya sa atin, wika nga sa Juan 8:32.
Sumainyo ang katotohanan.