5,273 total views
Inilunsad ng Minor Basilica and National Shrine of the Black Nazarene ang opisyal na logo at tema ng Nazareno 2024.
Hango sa mga tunay na karanasan ng milyong-milyong deboto ng Poong Jesus Nazareno, itinalagang tema sa taunang pagdiriwang ang ‘Ibig po naming makita si Hesus’ na hango sa ebanghelyo ni San Juan kabanata 12 talata 21.
Inilarawan ng Quiapo Church na ang apat na taong makikita sa logo ay sumasagisag sa mga debotong naghahangad masumpungan si Hesus at maramdaman ang mga himalang magbibigay ng kaginhawaan at kapayapaan sa puso ng bawat isa.
Itinatampok din ang sama-samang paglalakbay ng mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno kung saan magkaisang itinataas sa Panginoon ang mga panalangin at buong pusong ipinagkakatiwala ang paggabay tungo sa pagkamit ng mabubuting bagay.
Hamon ng pamunuan ng basilica at pambansang dambana sa pamumuno ni Fr. Rufino Sescon, Jr., sa mga deboto na patuloy isabuhay sa pamayanan ang tunay na pagkalinga na ipinakikita ni Hesus sa kanyang kawan.
“Nawa patuloy nating ipakita ang kanyang mukha, patuloy nating iparanas ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng paghahandog ng serbisyo sa mga tao,” bahagi ng pahayag ng Quiapo Church.
Puspusan na ang paghahanda ng dambana sa pagdiriwang ng pista sa January 9, 2024 kung saan inaasahan ang unti-unting pagpapanumbalik ng mga nakagawiang gawain na ipinagpaliban ng tatlong taon dahil sa COVID-19 pandemic.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng basilica sa mga opisyal at ahensya ng gobyerno para sa mas maayos na pagsasagawa ng NAZARENO 2024.
Matatandaang halos 100, 000 deboto ng Poong Jesus Nazareno ang lumahok sa isinagawang Walk of Faith sa pagdiriwang ng pista noong poon noong January 9, 2023 mula sa Luneta patungong dambana ng Quiapo Church.
Tiniyak din ang paghahanda ng simbahan sa posibleng pagdagsa ng mga deboto sa NAZARENO 2024 matapos inalis ng pamahalaan ang mga panuntunang pinairal noong pandemya.