6,909 total views
Ilulunsad ng Lipa Archdiocesan Social Center ang ‘Hunger Conference’ sa November 17 at 18 upang paigtingin ang pagtugon sa suliranin ng kahirapan at bilang bahagi sa pagdiriwang ng Archdiocese of Lipa sa World Day of the Poor sa November 19.
Ayon kay Paulo Ferrer – Lipa Archdiocesan Social Action Center Senior Manager, titipunin kalahok sa gawain ang Batangas Provincial government, Department of Social Welfare and Development, private business sector at iba pang grupo na tumutugon sa suliranin ng kahirapan.
Layon ng “hunger conference” na magkaisa ang simbahan at lahat ng sektor sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga mahihirap sa Arkdiyosesis at iba pang bahagi ng Pilipinas.
Ayon kay Ferrer, bilang paggunita rin sa World Day of the Poor sa Arkdiyosesis ay hinihimok ang mga parokya na magkaroon ng kani-kanilang pamamaraan ng pagtitipon upang maging daluyan ng habag at pagmamahal ng Panginoon sa mga mahihirap.
“So itong Conference na ito ay inspired by exisiting collaboration of different sectors dito sa lalawigan and we would like to form alliances through this conference, so we will be inviting siyempre yung ibat-ibang representation coming from the local government, the provincial government, the private sector particularly the business sector and off course yung representation natin sa church,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Ferrer.
Inaasahan din ng opisyal ng LASAC na mula sa sampung libong mahihirap na naabot o natulungan ng Social Arm ng Archdiocese of Lipa noong 2022 sa mga programang inilaan sa World Day of the poor ay nabawasan ang bilang ngayong 2023.
Ito ay upang makita na nagbubunga ang mga programa ng LASAC na itinataas ang kalidad at antas ng pamumuhay ng mga mahihirap sa arkidiyosesis.
Sa bahagi ng Archdiocese of Manila, unang tiniyak ng Caritas Manila ang pakikipagtulungan sa ibat-ibang ahensya at sangay ng simbahan upang maidaos sa susunod na buwan ang pagdiriwan sa World Day of the Poor sa November 19.