18,098 total views
Hinimok ni Capiz Archbishop Victor Bendico ang mga kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023 na maging responsable sa mga ginagamit sa pangangampanya.
Ayon kay Archbishop Bendico, kabilang sa mga dapat na maging katangian ng lingkod-bayan ang pagiging huwaran sa pagsunod at pagpapatupad ng mga batas sa mga kinasasakupan tulad ng pangangalaga sa kalikasan.
“During election campaigns, as it is very difficult for us to escape from tarpaulins and plastics, let us support as ever the values of recycling, re-using, and reducing,” pahayag ni Bishop Bendico sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit ng arsobispo na dapat tiyakin ng mga kandidato na ang mga ginamit na campaign materials ay maitatapon nang maayos o mapapakinabangan sa ibang pamamaraan matapos ang pangangampanya at eleksyon.
Ipinaalala ng arsobispo na kapag napabayaan ang mga campaign material ay maaari itong magdulot ng kalat sa kapaligiran na kalauna’y magiging malaking suliranin pa sa mga pamayanan.
“I call on election candidates to be conscious of taking care of their campaign materials like tarpaulins and plastics that can end up being garbage in our canals and rivers,” ayon kay Bendico.
Tagubilin naman ni Archbishop Bendico sa mamamayan na piliing mabuti ang mga kandidatong karapat-dapat na ihalal sa posisyon at uunahin ang kapakanan ng kinasasakupan.
Gayundin sa mga maihahalal na kandidato na maging tapat sa tungkulin at tiyaking mapagkakatiwalaan ng taumbayan sa maaayos na pamamahala sa pamayanan.
Magtatapos ang campaign period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre 28 habang isasagawa naman ang Barangay elections sa Oktubre 30.