25,977 total views
Hinimok ni Cebu Archbishop Jose Palma ang mamamayan na magtulungang panatilihing maayos ang paggunita sa mga yumaong mahal sa buhay.
Ito ang mensahe ng arsobispo sa All Souls Day sa November 2 gayundin sa All Saints Day sa November 1 kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga tao sa sementeryo upang dalawin ang mga pumanaw na kaanak.
Binigyang diin ni Archbishop Palma na dapat bigyang paggalang ang mga nakahimlay at ipanalangin ang kapayapaan ng kaluluwa.
“Observe proper respect sa mga nakahimlay sa mga sementeryo. Let us keep peace and order, stay prayerful but nothing harmful.” bahagi ng mensahe ni Archbishop Palma.
Tiniyak naman ng Philippine National Police ang pagbabantay sa seguridad ng mga mamamayan lalo’t kasabay ng pagdiriwang ang long weekend.
Mahigit sa 27, 000 police personnel ang itinalaga ng PNP sa buong bansa na titiyak sa kaligtasan at kaayusan ng pamayanan bukod pa sa halos 200-libong itinalaga sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa October 30.
Apela ng pamahalaan sa mamamayan na panatilihin ang kaayusan sa pagdalaw sa puntod ng mga yumaong kaanak kabilang na ang kalinisan ng kapaligiran.
Mahigipit na ipinagbabawal sa loob ng mga sementeryo ang mga vendor, nakalalasing na inumin, mga sugal, videoke o kahit anong uri ng sound system gayundin ang mga baril at patalim.
Naglabas naman ang mga simbahan ng kopya ng panalangin na maaring gamitin ng mga kaanak sa pagdarasal sa kanilang pagdalaw sa mga sementeryo tulad ng ipinamahagi ng Archdiocese of Manila sa pamamagitan ng RCAM Liturgical Affairs.
Magsagawa naman ng Banal na Misa ang mga parokya sa bansa para gunitain ang mga yumaong mahal sa buhay gayundin sa mga lugar na may Catholic cemetery kung saan bukod sa misa ay magkaroon din ng pagbabasbas sa mga puntod.