36,569 total views
Patuloy ang ginagawang paghahanda ng Diocese ng Antipolo sa gaganaping pagdiriwang sa deklarasyon bilang International Shrine ng National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o mas kilala bilang Antipolo Cathedral.
Ang Antipolo Cathedral ay ang kauna-unahan international shrine ng Pilipinas, ikatlo sa Asya at pang-11 naman sa buong mundo.
Ang kautusan ng Santo Papa sa pagkilala bilang international shrine ay nagsimula noong March 25, 2023 habang itinakda naman ang pagtatalaga sa January 26 ng susunod na taon.
Sa ginawang Pastoral visit-on-the-air, sinabi ng obispo na kabilang sa kanilang paghahanda ay ang pagpapakilala at pagpapalago ng debosyon sa Mahal na Ina, sa loob at sa labas ng bansa.
“Dapat mong ipakilala ang iyong Ina, ipagmalaki mo ang iyong ina. And we go out, within the country to bring the Blessed Mother ang Nuestra Señora de la Paz y Buenviaje so that there in the dioceses saka mga companies sila ay magnovena, sila ay mamintuho sa ating Mahal na Ina. Tulad ng ginagawa ngayon ng ating rector Fr. Nante (Fr. Reynante Tolentino) at mga kasamahan nagdadala ng imahen sa ibang bansa.” ayon pa kay Bishop Santos.
Habang nagpapatuloy din ang mga programa sa katedral at mga nasasakupang parokya- ang Hapag ni Maria.
Ang Hapag ni Maria ay hindi lamang feeding program kundi ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga mahihirap na magkaroon ng sariling pagkakakitaan, gayundin ang pagpapaaral sa mga kabataan.
“At gaya ng sinabi natin, hindi lamang natin sila papakainin kundi sila ay ating bubuhayin- ibig sabihin hindi lamang bubusugin, palalakasin bagkus buhay na buhay na kung saan with recognition of their human person with dignity. Buhay na buhay, bigyan natin ng dignity of labor tutulungan natin sa kanilang pagtatrabaho, bigyan ng means at bigyan ng damit. At yung mga anak na tinitingnan natin na kahit sa kabila ng lahat ay pag-aralin.” ayon kay Bishop Santos.