18,026 total views
Hinikayat ng Catechetical Commission ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya na gawing huwaran ang naging buhay ng mga banal na ini-alay ang mga sarili upang paglingkuran ang Panginoon.
Ayon kay La Union Bishop Daniel Presto, vice-chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education, misyon ng mga banal na maging patnubay at taga-pamagitan ng bawat isa upang maipaabot sa langit ang mga panalangin at kahilingan.
Ito ang paalala ni Bishop Presto sa paggunita sa araw ng mga banal at mga yumaong mahal sa buhay sa Nobyembre 1 at 2.
“Sa ating pagdarasal sa mga banal, ating tinitingala ang mga ito bilang halimbawa sa ating buhay. Sila ‘yung mga martir. Sila’y mga namuhay ayon sa kabanalan. Sila’y mga misyonero at marami pang iba. Sa pamamagitan nila ay ipagdarasal nila tayong narito sa lupa,” pahayag ni Bishop Presto sa panayam ng Radio Veritas.
Hiling naman ng obispo na ang kabanalan ng mga Santo nawa’y higit na magpatatag sa pananampalataya ng bawat isa sa kabila ng iba’t ibang pagsubok na kinakaharap.
“Sa pagtingin natin sa mga banal sa langit ay nawa’y magkaroon ng inspirasyon na maging matibay sa ating pananampalataya at sa ating paglilingkod at paglalakbay dito sa lupang ibabaw,” ayon sa obispo.
Hinimok din ni Bishop Presto ang patuloy na pananalangin para sa kapayapaan ng kaluluwa ng mga yumaong mahal sa buhay.
Ipinaliwanag ni Bishop Presto na mahalagang ipanalangin lalo na ang mga kaluluwang nasa purgatoryo upang ganap na maka-akyat sa langit at makamit ang buhay na walang hanggan kasama ang mga banal at ang Panginoon.
“Sila man din na nasa kabilang buhay ay nagdarasal para sa atin kaya nga’t sa kapistahang ito ng mga banal at mga kaluluwa sa kabilang buhay, ang pagdarasal ay atin nawang isasakatuparan para sa mga yumao nating mga mahal sa buhay,” saad ni Bishop Presto.
Kaugnay nito, naglabas ang simbahan ng kopya ng panalangin na maaring gamitin ng mga kaanak sa pagdarasal sa kanilang pagdalaw sa mga sementeryo, gayundin ang pagsasagawa ng Banal na Misa sa mga parokya sa bansa bilang paggunita sa mga yumaong mahal sa buhay.