24,018 total views
Naniniwala ang founding chairman ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na ang mga volunteer ng organisasyon mula sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa ang buhay at yaman ng pangunahing tagapagbantay ng Simbahan sa halalan.
Ayon kay PPCRV Chairman Emeritus Henrietta de Villa, hindi matatawaran ang paglilingkod ng mga PPCRV volunteers sa buong bansa na buong pusong ibinabahagi ang kanilang oras, panahon, kakayahan at maging ang kanilang kaligtasan upang mabantayan ang katapatan at kaayusan ng halalan ng walang hinihintay na kapalit.
Iginiit ni De Villa na mahalaga ang tungkuling ginagampanan ng mga PPCRV volunteer upang maisulong ang C.H.A.M.P. Elections sa bansa o Clean, Honest, Accurate, Meaningful, at Peaceful Elections sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa ika-30 ng Oktubre, 2023.
“Ang buhay ng PPCRV of course unang una nasa Panginoon, pangalawa nakasalalay sa volunteers. Yun ang aking yaman, yaman ng PPCRV ang mga volunteers who give their time, talent and treasure without any recompence, hindi humihingi ng kahit na ano, binubuwis ang buhay at tuloy ang pagtutulak ng C.H.A.M.P. Elections yung Clean, Honest, Accurate, Meaningful, Peaceful (Elections) at yun naman mangyayari lamang dahil ang kapit namin ay si Kristo, ang tunay na CHAMP ng PPCRV.” pahayag ni De Villa sa Radio Veritas.
Buwan ng Obtubre taong 1991 ng opisyal na ilunsad ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV bilang isang independent, non-profit at non-partisan organization matapos na manawagan ang mga Obispo sa isinagawang Second Plenary Council of the Philippines sa pagpapatupad ng reporma sa halalan sa bansa.
Itinatag ang PPCRV sa layuning maging pangunahing tagapagbantay ng Simbahang Katolika sa pagkakaroon ng isang maayos at tapat na eleksyon sa Pilipinas na sa kasalukuyan ay umaabot na sa 700,000 ang volunteers mula sa may 86 na diyosesis sa buong bansa.