43,479 total views
Pakainin ang mga buhay at hindi ang mga patay!
Ito ang tradisyon at pamahiin ng mga kristiyano na dapat nang iwaksi ayon kay Fr. Bobby Dela Cruz ng Archdiocese of Manila Office of Exorcism sa programang Dalangin at Alaala ng Radyo Veritas.
Paliwanag ng pari, mas higit na kinakailangan ng mga kaluluwa sa purgatoryo ay ang panalangin para sa kapayapaan ng kanilang kaluluwa at paglalakbay tungo sa kaluwalhatian.
Ayon kay Fr. Dela Cruz-kura paroko ng Santa Monica Parish sa Tondo bukod sa pagsasayang ng pagkain ay nakadaragdag din ito sa mga basura lalo na sa mga sementeryo.
“Pero ang patay, ang kaluluwa ay hindi nya na kailangan ng pagkain…Sila ay mga Espiritu na lamang, ganito ang mangyayari sa atin, masasayang lang ang mga pagkain, lalangawin lang doon. Huwag ninyo ng hainan ang yung mga yumao natin na bigyan pa natin sila ng pagkain sa kanilang paglalakbay. Hindi na sila magugutom. Pakainin nyo na lamang ‘yung mga buhay at huwag kayo mag-alala na magdala sila ng pagkain pag-uwi, dahil masasayang lang kung itatapon. Kaya tuloy minsan dumarami ang mga basura sa sementeryo dahil iniiwan lahat natin doon,” paliwanag ng pari.
Sa halip, iminumungkahi ng pari na ipamahagi ang mga pagkain sa mga nangangailangan sa halip na masayang at maging basura.
Dagdag pa ng pari na ang ganitong pamahiin ay paniniwalang pagano at hindi pananampalatayang kristiyano lalo na ang pagdiriwang suot ang mga nakakatakot na imahe.
“Sasamantalahin natin ang pagkakataon na ito na turuan natin ang ating mananampalataya kung saan itong Halloween na ito ay nahaluan ng mga paganong mga nakasanayan natin, puwede natin itong palitan sa halip na mga multo, mga kababalaghan itong ipinapakita natin. Minsan nagagamit pa natin ang bata na ito to promote evil during that day,” ayon kay Fr. Dela Cruz.
Hindi rin iminungkahi ng simbahan ang pagdiriwang ng All Saints at All Souls Day sa pamamagitan ng pagdadamit ng mga nakakatakot lalo na ng mga bata o ang ginagawang ‘Trick of Treat.”
“Mas mabuting parangalan natin ang mga Santo sa pamamagitan ng ‘March of Saints’ or instead na ‘Trick or Treat’ gamitin nating pagkakataon ang mga kabataan na magpunta sa mga tahanan na nakadamit ng mga santo at ipanalangin yung mga mahal nila sa buhay. Tapos pwede sila magbigay ng regalo dun sa mga bata. Masaya nila itong gagawin at the same time matuturuan sila,” dagdag pa ng pari.