20,981 total views
Hinimok ng kura paroko ng Ina ng Laging Saklolo Parish sa Bagong Silang, Caloocan City ang mga mananampalataya na paglaanan ng panahon ang pagdalaw sa mga yumaong mahal sa buhay.
Ayon kay Fr. Leoncito “Falky” Falcasantos, ang paglalaan ng panahon sa mga yumao ay pagpapakita ng paggalang sa kanilang naiwang alaala noong sila ay nabubuhay pa.
Sinabi ni Fr. Falcasantos na sa pamamagitan nito’y nakakapag-alay ng panalangin ang bawat isa upang makamtan ng mga kaluluwa ang kapatawaran sa mga nagawang kasalanan at ang makalangit na pagpapala ng Diyos.
“Huwag kalimutan na ipanalangin natin ang mga kaluluwa ng ating mga kamag-anak at nawa sa tulong ng ating mga dasal, sila ay makapagpahinga nang maayos sa piling ng ating Panginoong Poong Maykapal,” paanyaya ni Fr. Falcasantos sa panayam ng Radio Veritas.
Pinangunahan ni Fr. Falcasantos ang banal na Misa at pagbabasbas sa mga puntod ng mga yumao sa Tala Cemetery bilang paggunita sa lahat ng mga pumanaw na kristiyano.
Ibinahagi rin ng pari na maaaring makatanggap ng indulhensya plenarya o kapatawaran sa mga nagawang kasalanan ang mga kaluluwa sa purgatoryo sa paggunita sa araw ng banal at yumaong mahal sa buhay.
Ito’y sa pamamagitan ng pagbisita sa mga simbahan at sementeryo; pananalangin para sa mga yumao; pagtanggap ng Banal na pakikinabang; pananalangin para sa mga intensyon ng Santo Papa Francisco, at pangungumpisal mula o sa pagitan ng unang araw hanggang ikawalong araw ng Nobyembre.
“Hinihikayat din tayo na kung tayo ay nasa estado ng ating kaluluwa—state of grace—na kung saan ay maaari tayong makakuha ng indulgences sa araw na ito, at kung hindi man, within this week ay mafulfill natin ‘yung indulgences,” saad ni Fr. Falcasantos.
Patuloy naman ang pagsasagawa ng mga Banal na Misa sa mga parokya sa bansa upang gunitain ang mga yumaong mahal sa buhay gayundin sa mga sementeryo kung saan bukod sa misa ay magkaroon din ng pagbabasbas sa mga puntod.