25,345 total views
Binigyang tuon ng Prison ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagbibigay halaga sa kapakanan at kalagayan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa bansa.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Legazpi Bishop Joel Baylon- Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care kaugnay sa paggunita ng Simbahan ng 36th Prison Awareness Sunday sa misang ginanap sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral.
Ayon sa Obispo, mahalagang malaman at maunawaan ng bawat isa ang kalagayan, karanasan at mga sitwasyon ng mga bilanggo na kadalasang ng naisasantabi sa lipunan dahil sa kanilang pagkakasalang nagawa sa buhay.
“Nakikita naming karanasan sa apostolate ng prison service ay yung katotohanang hindi masyadong nasa awareness ng tao itong nangyayari sa prison apostolate kasi nga palibhasa masasabi nating pinaglilingkuran natin o yung mga clients natin ay yung mga nasa bilangguan yung tinatawag nating ngayong PDLs (Persons Deprived of Liberty) so limitado ang information limitado din yung awareness ng tao dahil sa kakulangan ng alam nila kaya sinisikap namin na maipaabot sa kanila yung dapat na malaman tungkol sa mga karanasan, sa katotohanan, mga hinaing at problema ng mga nasa bilangguan, yun ang halaga nitong paggunita ng Prison Awareness Week…” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Baylon sa Radio Veritas.
Nakatuwang ni Bishop Baylon sa pagdiriwang ng misa si Antipolo Bishop Ruperto Santos at iba pang mga lingkod ng Simbahan na naglilingkod para sa kapakanan ng mga PDL na nakibahagi sa panawagan para sa pagbibigay kalinga sa mga nasa piitan.
“Kami po Bishop Joel Baylon ay malugod na nagpapasalamat, masaya sapagkat napili ninyo ang Diyosesis ng Antipolo na maging daan at kasangkapan ng ating pagtataguyod, paglilingkod sa ating mga kapatid na kung saan ay nasa bilangguan, sila ay ating kapatid na ating minamahal at masasabi natin na kung saan ang Diyosesis ng Antipolo ay inyong kaisa. Tayo na sa Antipolo, tayo na at tayo po ngayon ay nagkakaisa upang sila ay ingatan, alagaan at paglingkuran.” Ang bahagi ng mensahe ni Bishop Santos.
Matapos ang misa ay isinagawa naman ang Gawad Paglilingkod Awards kung saan binigyang pagkilala ng prison ministry ng CBCP ang aabot sa mahigit 50 grupo at Volunteer in Prison Service (VIPS) para sa kanilang paglilingkod sa mga nasa piitan sa nakalipas na mahigit tatlong taon.
Kabilang ginawaran ng pagkilala ng Prison ministry ng CBCP ang walong VIPS na nagmula sa Diyosesis ng Cubao, 2 sa Diyosesis ng Pasig at Kalookan, 9 sa Diyosesis ng Novaliches, 29 sa Diyosesis slng Antipolo, 4 mula sa Couples for Christ Global, 3 sa PRESO, Inc., at 1 sa Diyosesis ng Gumaca.
Bukod dito may mga iba pang ginawaran ng pagkilala mula sa mga Diyosesis ng Imus, Malolos, Legazpi, Boac, Cabanatuan, Catarman, Catbalogan, Surigao, Archdiocese of Lipa, Tuguegarao, Davao at Cagayan de Oro.
Paliwanag ni Bishop Baylon, “Itong gawad parangal na ito ay isang simple pero para sa amin makahulugang pagkilala at pagpapasalamat sa mga taong nakakasama namin, katulong, kaakibat dito sa napakahalagang ministeryo na ito.”
Tema ng Linggo ng Kamulatan sa mga Bilanggo ngayong taon ang “The Correctional Community: Journeying Together in Mutual Support on a Mission of Love.”