272 total views
Mariing tinututulan ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang Department Order 168 na nilagdaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magtatapos sa contractualization.
Ayon kay TUCP spokesperson Allan Tanjusay, salungat ang nilalaman ng kautusang ito na nilagdaan ni DOLE secretary Silvestre Bello III sa nais ng Pangulong Rodrigo Duterte na mawala na ang contractualization.
“ Itong final draft na isinumiti ni Secretary Bello sa pangulong Duterte noong nakaraang linggo ay hindi po pabor, hindi po s’ya nagwawakas sa contractualization, subalit lalo pang lalawak ang uri ng contractualization dito sa ating bansa. Yung dating contractualization ay Endo at 555 po lamang ang ating pinag uusapan na ang mangagawa po ay nagtatrabaho nang apat hangang limang buwan po lamang at I re-renew ang kanyang kontrata. Ngayon po, bukod doon sa 555 at Endo na pinag uusapan po natin, madadagdagan po s’ya ng project at work arrangement kaya po lalo pong lumawak yung contractualization na puputulin na ni Duterte,” pahayag ni Tanjusay sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon kay Tanjusay, sa nasabing draft pinahihintulutan din ang pagkuha ng project based employees.
“Yung manggagawa po ay magiging regular sya doon sa labor kontraktor o sa man power service provider. Pero yung isa pang uri pinapahintulot nitong panibagong polisiya na ito ay yung mag direct hiring nang seasonal at project based employee kung saan maaring ito ay isang buwan, dalawang buwan depende po sa kagustuhan ng principal employer.”
Binanggit pa ng TUCP na anti-poor ang DO 168 dahil mas lalo pang lalaki ang agwat ng mahihirap at mayayaman bunsod na pabor na pabor ito sa mga employer.
“Ang implication po nito ay lalo pong lalawak ang division ng the rich and the poor, dito kasi sa ating bansa ang kasalukuyang umiiral kung ikaw ay mangagawa, hindi po umaasenso ang buhay mo. Hindi kagaya ng mga mangagawa sa ibang bansa na kapag nagtatrabaho, umaasenso ang buhay nila, dito nananatili tayong nasa ibaba, dahil ayaw pong i-share nang mga mayayaman at ng mga gahamang kapitalista yung mga profits sa kanilang mga mangagawai” Daing pa ni Tanjusay.
Sa ulat ng TUCP, nasa halos 35 milyon ang manggagawang kontraktwal mula sa mahigit 67.1 milyong kawani nitong 2016 sa bansa.
Una ng nanawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco sa world leaders na wakasan na ang umiiral na pang – aalipin sa mga maliliit na manggagawang kumikilos sa ikauunlad ng isang bansa.