2,788 total views
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Malakias 1, 14b – 2, 2b. 8-10
Salmo 130, 1. 2. 3
Sa iyong kapayapaan,
O D’yos, ako’y alagaan.
1 Tesalonica 2, 7b. 9. 13
Mateo 23, 1-12
Thirty-first Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Malakias 1, 14b – 2, 2b. 8-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Malakias
Sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon: “Ako’y isang Haring dakila at kinatatakutan ng lahat ng bansa.”
At ngayon, mga saserdote, narito ang utos ko sa inyo: Parangalan ninyo ang aking pangalan sa pamamagitan ng inyong mga gawa,” sabi ng Makapangyarihang Panginoon. “Pag hindi ninyo pinakinggan ang sinasabi ko, kayo’y aking susumpain.
“Subalit lumihis kayo sa daang matuwid, kayong mga saserdote. Dahil sa inyong turo, marami ang nabulid sa kasamaan. Sumira kayo sa ating tipan,” sabi ng Makapangyarihang Panginoon. “Kaya, hahayaan kong kamuhian kayo ng mga Israelita sapagkat hindi ninyo sinusunod ang aking bilin at hindi pantay-pantay ang inyong pagtuturo.”
Hindi ba iisa ang ating Ama at ito’y ang iisang Diyos na lumalang sa atin? Kung gayo’y bakit sumisira tayo sa pangako sa isa’t isa at bakit winawalang-kabuluhan natin ang kasunduan ng Diyos at ng ating mga magulang?
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 130, 1. 2. 3
Sa iyong kapayapaan,
O D’yos, ako’y alagaan.
O Panginoon ko, ang pagmamataas,
tinalikdan ko na at iniwang ganap;
Ang mga gawain na magpapatanyag
iniwan ko na rin, di ko na hinangad.
Sa iyong kapayapaan,
O D’yos, ako’y alagaan.
Mapayapa ako at nasisiyahan,
tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.
Sa iyong kapayapaan,
O D’yos, ako’y alagaan.
Kaya mula ngayon, ikaw, O Israel,
sa ’yong Panginoon, magtiwalang tambing!
Sa iyong kapayapaan,
O D’yos, ako’y alagaan.
IKALAWANG PAGBASA
1 Tesalonica 2, 7b. 9. 13
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga Taga-Tesalonica
Mga kapatid, naging magiliw kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa kanyang mga anak. Dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo, itinalaga namin ang aming sarili sa pangangaral sa inyo ng Mabuting Balita. Hindi lamang iyan, pati na aming buhay ay ihahandog namin, kung kakailanganin. Lubusan na kayong napamahal sa amin. Tiyak na natatandaan pa ninyo, mga kapatid, kung paano kami gumawa at nagpagal araw-gabi para hindi kami maging pasanin ninuman samantalang ipinahahayag namin sa inyo ang Mabuting Balita.
Ito pa ang lagi naming ipinagpapasalamat sa Diyos: nang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, tinanggap ninyo ito bilang tunay na salita ng Diyos, at hindi ng tao. Anupat ang bisa nito’y nakikita sa buhay ninyong mga sumasampalataya.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 23, 9b, 10b
Aleluya! Aleluya!
Tayo’y may iisang Ama,
at Guro nati’y iisa:
Si Kristo na Anak niya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 23, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyong, sinabi ni Hesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, “Ang mga eskriba at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanang ng Kautusan ni Moises. Kaya’t gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos. Ngunit huwag ninyo tularan ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinangangaral. Nagbibigkis sila ng mabibigat na dalahin at ipinapasan sa mga tao; ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang kanilang mga pilakterya at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ang ibig nila’y ang mga upuang pandangal sa mga piging at ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga. Ang ibig nila’y pagpugayan sila sa mga liwasang-bayan, at tawaging guro. Ngunit kayo — huwag kayong patawag na guro, sapagkat iisa ang inyong Guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyo tawaging ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong Tagapagturo, ang Mesiyas. Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Pinaaalalahanan ng mga pagbasa ngayon ang ating mga pinunong maging mapagpakumbaba at tapat sa kanilang mga tungkulin. Ang mga ito rin ay paalaala sa ating magdasal para sa kanila upang sila’y tumupad sa inaasahan natin sa kanila, ga- yundin sa inaasahan sa kanila ng Diyos. Alalahanin natin ito habang nananalangin tayong:
Panginoong Hesus, dinggin mo kami!
Para sa buong pamayanan ng mga binyagan: Nawa patuloy silang mamuhay bilang mga tunay na Kristiyano, kahit na ilan sa mga pinuno’y nagpapabaya sa kanilang asal. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa at ibang pinuno ng Simbahan: Nawa patuloy silang maging inspirasyon sa lahat ng sumasampalataya sa pamamagitan ng kanilang turo at mabuting halimbawa. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng magulang, nagtuturo ng relihiyon, mga katekista, at pinuno ng mga komunidad: Nawa manguna silang magsabuhay ng kanilang itinuturo sa kanilang mga anak, estudyante, at mga miyembro. Manalangin tayo!
Para sa mga naghahangad magtamo ng mga pribilehiyo at karangalan: Nawa pangunahin nilang pagtuunan tuwina ay ang lalong ikabubuti ng mga taong inihabilin sa kanila, sa halip ng sarili nilang kapakanan. Manalangin tayo!
Para sa ating pamayanan: Nawa maging kaisa tayo ng ating mga pinuno sa puso’t diwa at sa gayo’y maging pampalago sa ating lipunang pambayan. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!
Panginoong Hesus na Dakila naming Pinuno, patnubayan at iligtas mo ang aming mga pinuno sa ano mang anyo ng pagkamakasarili at pagmamalaki. Gabayan mo sila at kami sa ikapagtatamo ng pangmatagalang gantimpala sa Kaharian kung saan ka nabubuhay at naghahari nang walang hanggan. Amen!