256 total views
Tiniyak ng NASSA-Caritas Philippines na mas pa-iigtingin pa nila ang kanilang mga adbokasiya ngayong 2017.
Ayon kay NASSA-Caritas Philippines executive secretary Rev.Fr. Edu Gariguez, sa nakalipas na taon pilit nilang ipinatupad ang kalooban ng Panginoon gaya ng paglulunsad ng mga programa partikular na sa disaster rehabilitation ng mga Yolanda affected dioceses at livelihood program.
Sinabi ni Fr. Gariguez, ngayong 2017 lalo pa silang magsisikap na isulong ang pagpapahayag ng Mabuting Balita sa pamamagitan ng mga makabuluhang gawain na tumutugon sa pangangailangan ng mahihirap.
Aminado din ang Pari na mas malaking hamon para sa organisasyon ang iba’t-ibang sitwasyon na mayroon ngayon ang bansa lalo na sa bahagi ng karapatang pangtao at usapin ng moralidad.
“Hindi po nagbabago ang hamon na ito sa taong 2017, mas malaking hamon ang atin hinaharap dahil sa bagong gobyerno na hindi natin maintindihan, meron mabuting nangyayari sa bahagi ng environment, sa bahagi ng agrarian reform, sa bahagi ng peace process pero naliligalig din tayo sa patuloy na nangyayaring karahasan o pagpatay sa mga taong tinuturing na kriminal dahil sa kanilang involvement sa droga. Nariyan din ang banta sa death penalty at iba pang mga batas na lumalabag sa dignidad ng tao kaya tayo ay nanawagan na higit na maging tagapagbantay sa ating demokrasya,” pahayag ni Fr. Gariguez.
Hinikayat din ni Fr. Gariguez ang publiko na huwag usigin ang Simbahan dahil sa posisyon nito sa iba’t-ibang mga usapin sa bansa.
Aniya, bahagi ng tungkulin ng Simbahan na magpahayag ng Salita ng Diyos kung naapektuhan na ang moralidad at diginidad ng buhay.
“Ang Simbahan hindi basta nangingialam sa pulitika kundi nakikisangkot sa buhay ng lipunan at ito ay tungkulin na naka atang sa atin dahil ito ay hindi lang usapin pulitika kundi ito ay usapin ng moralidad kung may mga taong pinagkakaitan ng katarungan, may mga taong inaapi kung may taong pinapatay, kung talamak ang karahasan o katiwalian sa Pamahalaan, ang lahat ng ito ay hindi lang isyung politikal kundi moral kung saan ating dapat isabuhay ang tawag ng Panginoon sa atin na patuloy na paglilingkod,” ayon pa sa pari.
Sa datos ng Caritas Philippines, umabot na sa P4.6 billion ang pondo na kanilang ibinahagi para sa mga Yolanda affected dioceses.