13,149 total views
Mga Kapanalig, noong ika-6 ng Oktubre, pinawalang-sala ng Malolos Regional Trial Court ang retiradong heneral na si Jovito Palparan sa mga kasong kidnapping, serious illegal detention, at serious physical injuries. Isinampa ang mga ito ng magkapatid na magsasakang sina Raymond at Reynaldo Manalo noong 2016, isang dekada matapos silang dukutin ng militar dahil miyembro sila umano ng rebeldeng grupo.
Si Palparan ay isang convicted criminal na kilala sa kanyang papel sa mga pang-aabuso sa karapatang pantao at extrajudicial killings sa counterinsurgency operations sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Napatunayan siyang nagkasala noong 2018 sa enforced disappearance, torture, at rape ng dalawang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na sina Sherlyn Cadapan and Karen Empeño noong 2006 kung saan si Raymond ay nagsibling key witness. Hanggang ngayon ay nawawala pa rin sina Sherlyn at Karen. Dalawa lamang sila sa libu-libong desaparecidos o mga biktima ng enforced disappearances sa Pilipinas.
Mariing kinondena ng mga human rights groups ang hatol ng korteng tila nagbalewala sa dinanas na pagdukot, sapilitang pagkawala, torture, at pagdurusa ng Manalo brothers. Ayon kay Carlos Conde ng Human Rights Watch, ipinakikita nito ang pagpapatuloy ng impunity sa enforced disappearances sa bansa. Ayon naman sa grupong Karapatan, ang kaso ng magkapatid ay halimbawa ng baluktot na sistema ng hustisyang nagpapahirap sa mga ordinaryong mamamayang ipaglaban ang katarungan at papanagutin ang mga nasa likod ng enforced disappearances, torture, at lahat ng paglabag sa karapatang pantao.
Batay sa datos ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (o FIND), hindi bababa sa dalawang libo ang dokumentadong kaso ng enforced disappearances sa bansa simula noong Martial Law: 1,165 ang nananatiling nawawala, 663 ang surfaced alive, at 280 ang natagpuang patay. Kaya naman, patuloy ang panawagan ng mga pamilya ng mga desaparecidos na ipatupad ang Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012 na layong bigyan ng hustisya at proteksyon ang mga biktima. Ayon sa mga human rights groups, ang patuloy na kabiguan sa pagpapatupad ng batas ay humantong lamang sa mas maraming paglabag sa karapatang pantao.
Ayon naman sa CIVICUS Monitor, ang estado ng civic space sa Pilipinas ay nananatiling “repressed.” Sa madaling salita, may pagpipigil o paghahadlang pa rin sa mga espasyo kung saan lumalahok ang mga mamamayan at organisasyon sa mga isyung pulitikal at panlipunan sa kanilang mga komunidad. Ang civic space ay pundasyon ng isang gumaganang demokrasya. Guguho ito kung patuloy nang mga karahasang katulad ng harassment, red-tagging, enforced disappearance, at pagpatay sa mga aktibista, mamamahayag at human rights defenders. Guguho ito kung patuloy ang paglabag ng gobyerno sa mga karapatang pantao.
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, binibigyang-diin ang paggalang sa dignidad ng tao, pagpapahalaga sa karapatang pantao, at pagtataguyod ng katarungan. Wika nga ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti, ipinaglalaban natin ang hustisya bilang paggalang sa mga biktima at sa kanilang dignidad. Ipinaglalaban natin ang hustisya upang hindi na maulit ang krimen, pigilan ang patuloy na mga paglabag sa karapatang pantao, at pangalagaan ang kabutihang panlahat.
Mga Kapanalig, matapos ilabas ang nakapanlulumong hatol ng korte kay ex-general Palparan, hindi makapaniwala si Raymond sa nangyaring pagpapawalang-sala sa mga umabuso sa kanila. Gayunpaman, ipinahayag niyang magpapatuloy ang laban. Aniya, “Hindi ako susuko hangga’t hindi ko nakakamit ang tunay na hustisya para sa akin at para sa ibang kasamahan kong nalabag ang karapatang pantao.” Suportahan natin ang panawagan ni Raymond at ng naiwang pamilya ng mga biktima ng enforced disappearances nang sa gayon ay mapairal ang katarungan gaya ng winika sa Zacarias 7:9. Ipanawagan natin ang hustisya para sa mga desaparecidos.
Sumainyo ang katotohanan.