12,491 total views
Nakakalimutan ng marami nating mga drivers ngayon na ang pagmamaneho ay hindi lamang karapatan, ito ay responsibilidad.
Kahit saang lansangan ka madaan sa ating bansa ngayon, mararamdaman mo na sa halip na payapa at masaya ang biyahe mo saan ka man pumunta, marahas na, stressful, at magulo na ngayon. Parang sa mga kalye natin, lahat tayo ay kanya-kanya na – magkaka-away, nag-uunahan sa napakaliit na espasyo sa lansangan. Kapanalig, ano na nangyari sa atin bakit lagi ng may karahasan sa ating mga lansangan ngayon?
Kapanalig, ang mga lansangan ng bayan ay isang pampublikong asset na para sa ating lahat. May mga batas at regulasyon na nag-gagabay sa atin ng wastong pag-gamit nito. Kada hawak natin ng manibela, dapat alam natin ang mga batas at regulasyon na ito upang organisado at sistematiko ang paggamit natin ng mga kalsada. Sakop ng mga batas na ito ang lahat ng gumagamit ng lansangan, mayaman ka man o mahirap, kahit gaano pa kalaki o kaliit ang dala mong behikulo. Ang hindi pagsunod sa simpleng batas gaya ng no swerving, pagsunod ng speed limits, bawal na pagpasok sa bus carousel lane, o pagrespeto sa pedestrian lanes, ay repleksyon ng iresponsableng drivers. Pinapakita nito na hindi nila kinikilala hindi lamang ang batas, kundi ang karapatan ng mga kapwa nila na gumagamit din ng kalye tulad nila.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), umabot na sa 156 car crashes ang nangyayari kada araw noong 2022. Tandaan natin kapanalig, na ang mga car crashes, ay hindi lamang laging simpleng nagasgasan lamang ang mga sasakyan natin. Marami din dito nagdudulot ng mga life changing accidents, o maaaring kamatayan. Mga kisap matang aksidente na maaari sanang maiwasan kung tayo ay may disiplina at konsiderasyon sa karapatan din ng iba sa lansangan.
Alam na natin, kapanalig, na matraffic na talaga sa ating mga lansangan, nakakapag-init ng ulo, lalo na kung huli ka na sa pupuntahan mo, pero hindi tayo dapat magpadala sa ating emosyon. Dapat nating isipin na may pamilya tayo na laging naghihintay sa ating pagdating, gayun din ang lahat ng ating nakakasalamuha sa kalye.
Ang hiling naman sana natin ay maglatag ng pamahalaan ng mga inobatibong solusyon upang mabawasan naman ang traffic sa ating bayan. Hindi lamang tayo dapat malimita sa pagtatayo ng mga bagong kalye na mapupuno rin agad ng mga sasakyan. Maaaring tingnan natin ang mga work from home schemes, mga time sharing schemes sa kalye, pati ang pagsasaayos ng public transport para mas marami na ang mag commute o mag bike. Ang pagsulong din ng disiplina at responsibilidad sa kalye ay hindi lamang para sa mga drivers, pedestrians, at commuters, kundi dapat din sa mga traffic enforcers natin.
Kapanalig, marami pa ang kailangan nating gawin upang hindi maging tila war zone lagi ang ating mga lansangan, lalo pa’t paparating ang mga holidays na pihadong magsisikip pa ng traffic. Sana magawa natin ito sa lalong madaling panahon para na rin sa kasulungan at kapayapaan nating lahat.
Kapanalig, higit sa responsibilidad, ang ating pagmamaneho sa kalye ay maituturing natin na a “call to love.’ Kaya nga tayo umaalis diba para magtungo sa trabaho, mag-aral, o gumawa pa ng iba pang bagay para sa ating mga mahal sa buhay. Ang road rage ay taliwas dito. Diba sabi sa 1 Corinthians, love is patient and love is kind? Sanay maging gabay natin ito. Ayon nga sa Fratelli Tutti, kung hahayaan natin na ang karahasan ang maghari sa kalye, magdudulot pa ito ng mas matinding karahasan, ng poot at mas higit na poot, at mas maraming kamatayan.
Sumainyo ang Katotohanan.