13,447 total views
Kapanalig, aminin natin na kahit pa moderno na ang panahon, hindi pa rin patas ang pagtrato natin sa babae at lalaki, kahit mismo sa ating mga tahanan. Ito ay realidad hindi lamang sa mga tahanang Pilipino, kundi sa maraming bansa sa buong mundo.
Naging mas matingkad nga ang sitwasyon na ito noong kahitikan ng pandemic. Mas marami ang naging panahon ng parehong babae at lalaki sa mga bahay diba, dahil sa mga lockdowns at remote work setups. Pero kahit pareho silang naka-work from home, ang babae, mas dumami ang oras sa trabahong bahay. Nakita nga ng isang pag-aaral mula sa Oxfam noon sa Pilipinas, Kenya, United Kingdom, United States, at Canada, na 84% ng mga babae ang siyang gumagawa ng mga housework o gawaing bahay. Ayon pa sa isang pag-aaral ng Organisation for Economic Co-operation and Development o OECD, higit pa sa sampung beses ang gawain ng mga babae kaysa lalaki sa mga tahanan.
Minamaliit natin ang gawaing bahay kapanalig, at lagi nating inaasa ang mga ito sa babae. Sa Pilipinas, mula pagkabata, pinapamulat pa natin sa mga bata na ang paglalaba, pamamalantsa, paglilinis, pag-aalaga, at pagluluto at iba ay gawaing babae. Hindi madali ang gawaing bahay, kapanalig – mabigat na trabaho ito, at kumakain ng napakalaking oras. Malaki ring mental load ito sa mga nanay ng tahanan – kahit hindi mo pa ginagawa ito, nakakapagod na dahil magkakaugnay at natatambak ang lahat ng gawaing ito.
Ang gawaing bahay ay integral sa ating pang-araw araw na buhay. Kasama ito sa ating routine na tinambak natin sa mga kababaihan. Pero kapanalig, ang gawaing bahay ay walang kasarian.
Kailangan nating inormalize ang pagpapatakbo ng tahanan ay shared responsibility ng babae at lalaki. Kailangan din natin i-mainstream ang positibong konsepto ng masculinity – kung saan mulat ang lahat na hindi kabawasan sa pagkatao ninuman ang paggawa ng domestic work, gaya ng pag-aalaga ng anak, pag-aalaga sa mga seniors, paglilinis ng bahay, at iba pa. Napakahalaga na imodelo natin ito sa mga susunod na henerasyon, upang ang mga kabataan ngayon ay mababago na ang mga maling praktis na ating naipamana pa sa kanila ngayon.
Si Pope Francis ay nagpapa-alala sa atin na ang laban para sa women’s equality ay laban nating lahat. Sabi niya sa Fratelli Tutti, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan: The organization of societies worldwide is still far from reflecting clearly that women possess the same dignity and identical rights as men. We say one thing with words, but our decisions and reality tell another story. Kapanalig, ang gender equality ay dapat na nating dalhin sa ating mga tahanan. Ang maligayang tahanan, kapanalig, ay tahanang tunay na nagmamahalan at kinikilala ang dignidad at karapatan ng bawat isa.
Sumainyo ang Katotohanan.