16,486 total views
Kapanalig, nitong nakaraang mga taon at buwan, sunod sunod ang mga krisis na nakaaapekto sa buhay nating mga Pilipino. Maliban sa pandemya, nandyan ang Russian invasion of Ukraine, nandyan yung mga isyu ng food at energy shortage, pati na ang pagtaas ng inflation rate. Lahat ng ito ay nagdala ng “economic shocks” sa ating bayan – nakaapekto ito lahat sa spending power nating mga Filipino.
Kaya nga mas marami sa atin ang kahit mamaluktot pa, said na said na talaga ang kaban. Sa halip na makabalik sa dating kita at trabaho bago mag pandemya, mas lalo pang naghirap ang ilan. Kung ang lahat ay may sapat na social protection sana, mas madali sanang makakabawi ang mga naapektuhan ng sunod sunod na krisis.
Ang social protection, kapanalig, ay karapatang pantao. Ito ay nagtitiyak na may access tayo sa kalingang pangkalusugan pati na sa income security. Pag wala na tayong makakapitan, ang social security sana ang ating malalapitan. Ito ang aagapay sa atin kung magkasakit tayo o may kaanak tayo na magkasakit, kapag na injure tayo sa trabaho, kung bigla kang nawalan ng trabaho, kung buntis ka, o di kaya di mo na kayang magtrabaho dahil sa aksidente o edad. Sabi nga sa isang pag-aaral ng International Labour Organization o ILO, “Social protection gives you peace of mind and hope for a better future.”
Sa ating bayan, medyo hindi pa accessible ang peace of mind na ito para sa marami dahil bungi bungi pa ang social protection coverage. Ayon nga sa isang pag-aaral ng United Nations, mababa pa sa 40% ng ating population ang sakop ng kahit isang social protection scheme. Ang may pinakamataas na coverage ay para sa pension ng mga seniors, na umaabot ng 70%. Pero pagdating sa pagbubuntis, sa work injury o disability, pati sa child benefits, mas mababa pa sa 40% ang coverage. Dapat ang social protection ay maging centerpiece project ng ating pamahalaan. Kailangan ito ng mamamayan, lalo pa’t sunod sunod na krisis ang nagtutulak pa sa atin sa kahirapan.
Ang inklusibo at makatarungang social protection program ay hindi lamang kumikilala at gumagalang sa karapatan ng mamamayan, isa rin itong pamantayan o ebidensya ng makatao at mapagkalingang lipunan. Ang bansang may maayos na social protection program ay bansang nagseseguro na lahat tayo ay aangat. Sabi nga ni Pope Francis sa Fratelli Tutti, “A truly human and fraternal society will be capable of ensuring in an efficient and stable way that each of its members is accompanied at every stage of life. Not only by providing for their basic needs, but by enabling them to give the best of themselves, even though their performance may be less than optimum, their pace slow or their efficiency limited.”
Sumainyo ang Katotohanan.