4,882 total views
31th Sunday of the Year Cycle A
Mal 1:14-2:2.8-10 1 Thes 2:7-9.13 Mt 23:1-12
Mahalaga po ang papel ng leaders sa anumang grupo. Sila ang nagbibigay ng direksyon sa grupo at kanilang gawain. Ang lahat ng grupo ay may mga leaders. Ang iba ay binoboto ng mga tao. Ang iba naman ay ina-assign sa atin, tulad ng mga pari natin o mga guro. Ang iba ay kinikilala na lang dahil sa kanilang posisyon, tulad ng magulang o ng ate sa pamilya, o dahil sa kanilang katangian o personalidad tulad ng sa mga barkada. Nagiging maayos ang grupo kung maayos ang mga leaders, kaya may sinasabi ang Diyos sa paraan ng pamumuno.
Sa ating unang pagbasa tinuligsa ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Malakias ang pamumuno ng mga saserdote, ng mga pari noong panahon ng Lumang Tipan. Sabi niya: “Lumihis kayo sa daang matuwid, kayong mga saserdote.” Ano ang kanilang ginawa? Hindi sila nagturo ng maayos sa mga tao at dahil dito marami ang nabulid sa kasamaan. Hindi nila sinasabi sa mga tao ang katuruan ng Diyos kaya hindi nasusunod ang kanilang kasunduan sa Diyos. Hindi naging tapat ang mga tao sa tipan ng Diyos dahil sa pagkukulang ng kanilang mga leaders na silang dapat tagapagturo sa kanila.
Ito rin ang puna ni Jesus sa mga leaders ng mga Israelita noong panahon niya: ang mga eskriba at mga pariseo. Sila ang tinitingala ng mga tao na leaders ng pananampalataya. Ang mga eskriba ay ang mga dalubhasa sa Batas ng Diyos. Ang mga Pariseo ay ang kinikilalang tagapagtaguyod ng Batas ng Diyos. Tama naman ang kanilang mga itinuturo pero hindi nila isinasabuhay ang kanilang itinuturo. Ang problema ng mga saserdote noong panahon ni Propeta Malakias ay mali at hindi buo ang kanilang itinuturo. Ang problema ng mga pariseo at eskriba sa panahon ni Jesus ay ang kanilang buhay. Mas pinapahalagahan nila ang kanilang sarili kaysa mga aral ng Diyos. Sinasabi nila sa mga tao na sundin ang mga batas pero hindi naman nila sila tinutulungan paano ito gagawin. Gusto lang nila na kilalanin ang kanilang posisyon. Kaya nilalaparan nila ang kanilang pilakterya. Iyan ay iyong tali sa kanilang braso at noo ayon sa kanilang kaugalian. Ito ay nagpapakita na nakatali ang batas sa kanilang kamay at ulo. Hinahabaan nila ang palawit sa kanilang kasuotan. Iyan naman ay tanda sa kanilang damit ng kanilang religious position. Gusto nilang makita ng mga tao ang kanilang posisyon, kaya ibig din nilang batiin sila at tawaging guro. Sa mga sinagoga, sa kanilang pagpupulong sa pagsamba, nandoon sila sa mga pangunahing luklukan, at ganoon din sa mga kainan. Gusto nila ng posisyon, hindi upang makapaglingkod kundi upang makilala sila ng mga tao. Marami ang mga tao na ganyan. May mga politiko na gustong tawagin na Your Honor, pero hindi naman kagalang-galang ang kanilang buhay. Hindi naman talaga sila honorable! Gusto nilang tawagin silang Sir or Madame pero hindi naman nila ginagawa ang kanilang tungkulin, at sa halip, utos ng utos lang. Galit si Jesus sa ganitong uri ng mga leaders.
Sa ating ikalawang pagbasa pinakita ni San Pablo ang ibang uri ng pamumuno. May pagmamahal siya sa mga kristiyano sa Tesalonika kaya ibinigay niya ang kanyang sarili sa pangangaral sa kanila ng Magandang Balita. Hindi lang siya nangaral. Itinalaga pa niya ang sarili upang makapag-serve sa kanilang mga pangangailangan. Para siyang isang mapagkalingang nanay sa kanila. Nagtratrabaho siya araw at gabi para hindi siya maging pabigat sa iba. Hindi lang siya nagpapahayag ng mga aral ng Diyos, naghahanap buhay din siya – siya ay tagatahi ng tolda – upang may pantustos siya sa kanyang pangangailangan. Hindi posisyon at hindi karangalan ang kanyang hinahanap kundi ang paglilingkod.
At mabuti naman at tinumbasan ng mga taga-Tesalonika ang kanyang pagsisikap. Tinanggap nila ang kanyang mga salita na ipinapahayag hindi bilang salita ng tao kundi bilang Salita ng Diyos. Kaya nakikita ang resulta ng kanyang mensahe sa buhay ng mga Kristiyano. Talagang nagbago sila at naging malapit sa Diyos.
Ang karamihan sa atin ay may mga leadership roles. Ang iba ay mga leaders dahil sa ating trabaho – bilang nahalal na opisyales ng barangay, bilang supervisor sa trabaho, o bilang guro. Marami ang kinikilalang leaders sa ating mga pamilya, bilang magulang, bilang lolo o lola, bilang ate o kuya. Ang iba ay may katungkulan sa simbahan at sa anumang grupo na sinasalihan natin. Anong klaseng leader tayo?
Bilang mga leader may tungkulin tayong gumabay sa iba sa pamamagitan ng ating mga salita. Tama ba ang sinasabi natin? Maayos ba ang ating mga instructions? Nakabubuti ba sa iba ang mga aral na binibigay natin?
Pero hindi lang sapat na tama ang ating sinasabi o itinuturo. Tinulungan din ba natin ang nasasakupan natin na magawa ang ating instructions at mga aral? Baka utos ng utos lang tayo at walang pakialam kung nagiging pabigat lang tayo sa iba at hindi na nakakatulong. Pero higit sa lahat, isinasabuhay ba natin ang ating sinasabi. Nagiging halimbawa ba tayo sa ating nasasakupan. Simpleng halimbawa lang. Kung sinabi natin na maging on-time ang mga tao, tayo ba ay on-time? Kung hinihingi natin na gawin nila ang mga tungkulin nila, ginagawa ba natin ang ating tungkulin?
At may malasakit ba tayo sa ating nasasakupan? Bilang mga pinuno tayo ba ay nakakatulong sa kanila o naging pabigat tayo sa kanila? Ang nakakalungkot lang na sa pamahalaan, sa trabaho at kahit na sa ating pamilya, maraming mga leaders ang dahilan ng hindi pagsulong ng mga tao. Sa halip na makatulong, naging hadlang pa sila sa pag-unlad ng mga tao. Nangyayari din ito sa simbahan. Sa halip na manguna ang pari sa mga programa ng simbahan sila pa ang nagpapahirap sa pagtupad ng mga ito. Sila ang ayaw magbago at gumawa ng extra effort. Hindi sila sumusuporta sa gawain ng mga grupo sa simbahan na nagpapatupad sa mga programa nito.
Malaki po ang pananagutan sa Diyos, tayong may mga leadership roles. Tayo ay katiwala ng ating posisyon. Iyan ay isang responsibidad. Magpasalamat tayo sa Diyos sa tiwala na ibinigay sa atin. Panindigan natin ang tiwalang ito. Huwag natin sayangin ang pagkakataon na binigay sa atin na makatulong tayo sa nasasakupan natin. Ang ating pagiging leader ay service natin sa iba, at iyan ay hindi para sa ating sariling kapakinabangan. Sinabi ni Jesus: Ako ay inyong guro a Panginoon ngunit naparito ako upang maglingkod at hindi upang paglingkuran.