4,377 total views
30th Sunday of Ordinary Time Cycle A
Prison Awareness Sunday
Ex 22:20-26 1 Thess 1:5-10 Mt 22:34-40
Naghahanap ang mga komokontra kay Jesus ng dahilan na may ibintang sa kanya at siraan siya. Noong nakaraang Linggo sinubok nila kung masisilo siya tungkol sa usapin ng buwis, kung naaayon ba sa kautusan na magbigay ng buwis sa Cesar o hindi. Nabigo sila. Hindi nila inaasahan ang sagot ni Jesus na ibigay kay Cesar ang kay Cesar at sa Diyos ang sa Diyos. Ngayon naman, ang sinubok si Jesus ng mga Pariseo, ang mga tao na tumutupad ng batas ni Moises. Ang tanong sa kanya ng dalubhasa sa batas ay kung alin ang pinakamahalagang utos sa kautusan. Siguro tinitingnan niya kung alam ni Jesus ang kautusan. May mga 613 na mga utos sa kautusan. Napakarami noon. Hind iyan maalaala ng mga tao. Kaya ang pinag-didiskusyunan ng mga tao ay, alin ang mahahalagang utos. Hindi man maalaala at magawa ang lahat ng mga batas, at least man lang masundan nila ang mahahalagang batas lalo na ang pinakamahalagang utos.
Ang sagot ni Jesus ay alam ng maraming masunurin na mga Hudyo: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip.” Ito ay bahagi ng Bibliya na inuulit ng mga Hudyo tatlong beses araw-araw, ang tinatawag na Shema Israel. Pinapahiwatig nito ang katangian ng relihiyon ng mga Hudyo – ang pagkilala at pagsamba sa iisang Diyos lamang.
Pero may pagbabago na dinagdag si Jesus. Isang utos lang ang tinatanong sa kanya, ang pinakamahalaga, pero ang sagot niya ay dalawa. Idinugtong niya ang mga salitang, “ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Nasa Banal na Kasulatan din ito. Idinugtong niya ito kasi ayon sa kanya ang pangalawang utos na ito ay tulad ng nauna. Hindi pwedeng paghiwalayin ang pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. Sinulat si San Juan sa kanyang liham sa Bagong Tipan na hindi natin maaaring ibigin ang Diyos na hindi natin nakikita na hindi natin minamahal ang kapwang nakikita natin. Ang nagsasabing mahal niya ang Diyos at kinapopootan ang kanyang kapwa ay sinungaling. Wala ang katotohanan sa kanya.
Napapatunayan na mahal natin ang Diyos sa ating pagmamahal sa kapwa, lalo na sa kapwa na hindi pinapansin at isinasantabi. Madaling mahalin ang kapwang maganda. Nakakatawag sila ng pansin. Ang kapwang mayaman, ang kapwang mabait sa atin, ang kapwang may posisyon ay madaling igalang at pagbigyan. Pero ang iba ay madaling pabayaan at pagsamantalahan pa nga. Kaya narinig natin sa ating unang pagbasa ang sinabi ng Batas ng Panginoon: “Huwag ninyong aapihin ang mga taga-ibang bansa… huwag ninyong aapihin ang mga babaeng balo, ang mahihirap at mga ulila.” Madaling pabayaan at pagsamantalahan pa nga ang mga ito kasi wala naman silang kalaban-laban. Pero hindi! Kung hindi man natin sila pinapansin, naririnig sila ng Diyos. Ang Diyos ang maghihiganti.
Hindi lang na huwag natin silang aapihin, pagbibigyan at tutulungan dapat natin sila. Kung mangungutang ang ating kapwang mahihirap, pahiramin natin sila na hind na humihingi ng tubo. May mga tao na napipilitang mangutang dala ng matinding pangangailangan – pambili ng gamot para sa anak, pambili ng pagkain, at tutubuan pa natin sila! Pinagkakakitaan pa natin ang kapwa natin na nangangailangan! Iba iyong nangutang sa atin para pampuhunan sa kanilang business. Dahil sa ating pera, kumikita sila. Makatarungan lang na may kita rin tayo sa pera natin na pinagkakitaan nila. Pero huwag na nating pagkakitaan ang matinding pangangailangan ng iba.
Ang ating pag-ibig ay naipapakita natin sa pagbibigay ng nararapat sa minamahal natin. Ano ang nararapat sa Diyos? Ang ating pagsamba. Siya ay dakila sa lahat. Sa kanyang nanggaling ang lahat – kilalanin at sambahin natin siya kung mahal natin siya. Ginagawa natin ito sa pagdakila sa kanya, sa pagpasalamat sa kanya, sa pagdarasal sa kanya. Bibigyan natin siya ng panahon. Ang araw ng Linggo ay ang araw ng pagsamba. Hindi lang tayo nagsisimba kasi may hinihingi tayo. Nagsisimba tayo kasi dinadakila at pinasasalamatan ang Diyos.
Ano naman ang pagmamahal sa ating kapwa? Ang pakikiisa at pagtulong sa kanila. Huwag nating gamitin ang kapwa, paglingkuran natin sila. Hanapin natin ang ikabubuti ng iba at hindi lang ang pakikinabang natin sa kanila.
Maganda at tinuturuan tayo ni Jesus na huwag paghiwalayin ang pag-ibig sa Diyos sa pag-ibig sa kapwa. Hindi natin mayayakap ang Diyos. Hindi naman natin siya matutulungan kasi wala naman siyang pangangailangan. Ang mayayakap natin ay ang ating kapwa; ang matutulungan natin ay ang ating kapwa. At maliwanag na sinabi ni Jesus na anumang ginawa natin sa iba, lalo na sa mga mahihirap, ay ginagawa natin sa kanya. Siya ang maggagantimpala. Kaya ang pagkain sa nagugutom, ang pagbisita sa may sakit at nasa bilangugan ay paglilingkod kay Jesus. Pero kung pinababayaan natin ang mahihirap, siya ang ating pinababayaan. May parusa din dito. Hindi lang tayo pinaparusahan sa kasamaan na ating ginagawa. May parusa din sa kabutihan na hindi natin ginawa.
Isang sektor ng kapwa na ating pinababayaan ay ang mga bilanggo. Kinukulong sila dahil sa may masama daw silang ginawa. Hinihiwalay sila sa lipunan. Hindi ibig sabihin nito na kakalimutan na natin sila at pababayaan. Sinabi ni Jesus, “ako ay nasa bilangguan at dinalaw mo ako. Halina sa kaharian na inihanda para sa inyo.” Hindi lahat ng nasa bilangguan ay masasamang tao. Marami ang nandoon dahil sa sila ay biktima ng pagsasamantala. Ang lantad na halimbawa diyan ay si Senator Leila Delima. Wala siyang kasalanan pero anim na taon nang nakabilanggo. Ilan na sa mga nagtestigo laban sa kanya ay lumantad na sila ay nagsinungaling sa kanilang pagtestigo dahil sa pinilit lang sila. Ginamit ang batas ng mga makapangyarihan upang maghiganti sa kawawang senator. Kung iyan ay nangyayari sa kanya na dating pangulo ng Department of Justice, na siya ay abogada at tinutulungan ng maraming mga abogado, ano pa kaya ang maliliit na tao na nabibilanggo, lalo na sa ating lipunan na ang komokontra sa gobyerno at sa malalaking business ay nire-red tag at sinasampahan ng mga kasong gawa-gawa? Kaya ngayon ay Prison Awareness Sunday. Pinapaalaala sa atin na pansinin ang mga nabibilanggo. Kapwa tao pa rin natin sila at makakaambag sila sa lipunan kung bibigyan lang ng pagkakataon. Kaya ang mga bilangguan natin ay dapat maging rehabilitation centers, at hindi lang lugar ng pagpaparusa at lalo na hindi lugar ng paghihiganti.