678 total views
Ang Mabuting Balita, 28 Oktubre 2023 – Lucas 6: 12-19
MAKIPAG-UGNAYAN
Noong mga araw na iyon, umahon si Jesus sa isang burol at magdamag doong nanalangin. Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad, at pumili siya ng Labindalawa sa kanila, na tinawag niyang mga apostol: si Simon na pinangalanan niyang Pedro, at si Andres na kanyang kapatid; sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, at Santiago na anak ni Alfeo, si Simon ang Makabayan; si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote, na naging taksil.
————
Hindi kataka-taka na umakyat si Jesus sa burol upang magdamag na manalangin sa Diyos sapagkat sa kinabukasan, pipiliin niya ang labing-dalawang apostoles, labing-isa sa kanila ang magiging tagapanguna ng kanyang gawaing pagliligtas pagkatapos niyang makabalik sa Ama. Kinailangan din niyang ipagdasal sila, upang maisaloob at maisabuhay nila ang kanyang mga ituturo, at sa kalaunan, magtiyaga at manatiling matatag sa gitna ng pag-uusig, tulad ng nangyari kay San Simon at Judas, kung kaninong kapistahan ating ipinagdiriwang sa araw na ito.
Napakahalaga ng Panalangin kapag tayo ay gagawa ng mga mahahalagang desisyon sa buhay, sapagkat kailangan nating MAKIPAG-UGNAYAN sa ating Diyos na nakakaalam ng lahat, na magbibigay sa atin ng mga biyayang kailangan natin upang gawin ang tamang desisyon, maging matatag sa nagawang desisyon, at maging magtiyaga sa gitna ng kahirapan.
Panginoong Diyos, nawa’y gawin naming kaugalian ang makipag-ugnayan sa iyo araw-araw!