33,404 total views
Pinaalalahanan ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang lahat ng lider ng pamayanan maging ang simbahan na gampanan ang kanilang mga tungkulin.
Ayon kay CBCP Office on Stewardship Chairperson, Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang pagiging lider ay may kaakibat na pananagutan sa Diyos kaya’t mahalagang gampanan ito nang buong katapatan.
“Malaki ang pananagutan sa Diyos tayong may mga leadership roles. Tayo ay katiwala ng ating posisyon at ito ay isang responsibilidad.” bahagi ng mensahe ni Bishop Pabillo.
Sinabi ng obispo na dapat paninindigan ng mga lider ang tiwalang ibinigay ng Diyos upang pangasiwaan ang pamayanan at huwag sayangin ang pagkakataong paglingkuran ang kapwa.
Ayon pa kay Bishop Pabillo bukod sa mga halal na lider ng bayan kabilang na rin dito ang mga pastol ng simbahan, mga guro, magulang at iba pang indibidwal na inatasang mamuno sa mga komunidad na kinabibilangan.
Tinuran ng opisyal ng CBCP ang katatapos na barangay at sangguniang kabataan elections kung saan hinamon ang mga nanalong indibidwal na gampanan ang kanilang tungkulin sa pamayanan lalo na ang pag-unlad ng mga barangay at paglingap sa bawat nasasakupan.
“Ang pagiging leader ay service natin sa iba at hindi para sa ating sariling kapakinabangan.” giit ni Bishop Pabillo.
Giit pa ng obispo, dapat pagnilayan ng mga lider ang kanilang uri ng pamumuno kung naisasabuhay ang pagiging pinuno at nagampanan ang mga tungkulin sa pamayanang gabayan ang nasasakupan.
Sa nakalipas na BSKE naihalal ang mahigit sa 42 libong barangay kapitan at sangguniang kabataan chairperson at mahigit sa 300, 000 kagawad sa bansa.