633 total views
Ang Mabuting Balita, 31 Oktubre 2023 – Lucas 13: 18-21
HINDI MAPIPIGILAN
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus, “Ano ang katulad ng paghahari ng Diyos? Saan ko ihahambing ito? Katulad ito ng isang butil ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang halamanan. Ito’y lumaki hanggang sa maging punongkahoy at namugad ang mga ibon sa mga sanga nito.”
Sinabi pa ni Jesus, “Saan ko itutulad ang paghahari ng Diyos? Katulad ito ng lebadurang inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, anupat umalsa ang buong masa.”
————
Ang paghahari ng Diyos ay HINDI MAPIPIGILAN. ITO AY TINIYAK NI JESUS. Siya ay nagturo, nagsakripisyo, namatay, at ang kanyang muling pagkabuhay ay ang tugatog ng lahat sapagkat siya ay nagwagi sa kasalanan.
May mga pagkakataon na mahihirapan tayong ipagpatuloy ang ating gawain sa Paghahari ng Diyos, kaya’t kailangan natin laging alalahanin na ang TAGUMPAY ay laging nasa ating panig. Ang Diyos mismo ang tumutulong sa atin sapagkat ito ang kanyang Kaharian. Huwag na huwag tayong mawawalan ng pag-asa sa gitna ng mga masamang nangyayari sa mundo ngayon. Ibigay natin ang lahat ng ating pagsisikap upang ang kanyang Kaharian ay mapasaatin dito sa lupa para ng sa langit!
“Sapagkat sa `yo nagmumula ang kaharian, at kapangyarihan, at kaluwalhatian, magpasawalang-hanggan!”