23,412 total views
Pinangunahan ni San Carlos, Negros Occidental Bishop Gerardo Alminaza ang pagtataguyod ng pagbabago para sa kalikasan sa buong Negros Island.
Ayon kay Bishop Alminaza, vice chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Social Action, Justice, and Peace (CBCP-ECSA-JP), kailangan nang isulong ang paglikha ng mga konkretong polisiya upang tuluyan nang mahinto ang mapaminsalang fossil fuels.
Sinabi ng obispo na ito’y hudyat din upang higit pang kilalanin ang paggamit at paglipat sa renewable energy na abot-kaya, malinis, at ligtas sa kapaligiran at kalusugan ng mamamayan.
“We need firm policies that would finally end the use of fossil fuels in the Negros Island and remove barriers to the development and utilization of Renewable Energy,” pahayag ni Bishop Alminaza.
Iginiit ni Bishop Alminaza na ang sama-samang pagtutulungan ng mamamayan ay malaki ang maitutulong upang makalikha ng magandang kinabukasan sa Negros Island at mamamayan nito.
Ang Negros Island ay tinaguriang renewable energy capital ng Pilipinas na may power generation plants na lumilikha ng halos 100 porsyento ng malinis na enerhiya.
Gayunman, hindi ito lubos na nagagamit at napapakinabangan ng mamamayan dahil sa kakulangan ng suporta at pagtangkilik ng lokal na pamahalaan.
Panawagan naman ni Bishop Alminaza sa pamahalaang panlalawigan at iba pang lokal na pamahalaan ng Negros Island na paigtingin ang pagsusulong sa paggamit ng malinis na enerhiya upang mapakinabangan ng higit na nakararami.
Inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang apostolic exhortation na Laudate Deum, ang higit pang pagpapaigting ng magkatuwang na pagkilos at pagtugon ng mamamayan at pamahalaan upang mapangalagaan ang nag-iisang tahanan mula sa lumalalang epekto ng climate crisis.