25,236 total views
Nagpahayag ng pasasalamat ang Philippine Jesuit Prison Service sa mga tumugon sa panawagan na magbahagi ng biyaya at pagkalinga sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) noong nakalipas na 36th Prison Awareness Week.
Ayon kay Rev. Fr. Firmo “Jun-G” Bargayo Jr. SJ – executive director ng PJPS, dahil sa pagtutulungan ng mga may mabubuting pusong indibidwal, grupo, at institusyon ay naisakatuparan ang Simple Offering of Affection for Persons Deprived of Liberty (PDLs) o S.O.A.P. Project na makalikom ng hygiene kits para sa mga PDLs.
Pagbabahagi ng Pari, dahil sa aktibong pagtugon ng bawat isa sa proyekto ay naabot ng organisasyon ang target na makalikom ng 34,000 hygiene kits partikular ng mga sabon at ointment para sa may 34,000 na mga PDLs sa New Bilibid Prison (NBP) at Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City.
“It’s an acronym so it is a Simple Offering of Affection for (PDLs) Persons Deprived of Liberty.So we target for the past 3 years na lahat ng mga PDLs natin na NBP at CIW mabigyan sila ng kahit tig-iisang sabon lang at saka isang ointment. Good news because we we’re able to get what we need, so magkakaroon ng tig-iisang sabon at katinko ang ating mga PDLs, so almost 34,000 silang lahat. Malaking bagay para sa kanila na maalala sila at mabigyan sila ng affection.” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Bargayo sa Radio Veritas.
Paliwanag ng Pari, pambihirang kaligayahan ang maidudulot sa mga PDLs ng anumang pagsusumikap na maipadama ang pagkalinga at biyaya ng Panginoon sa loob ng mga bilangguan.
“Yung kaligayan sa loob (ng bilangguan) very illusive and sometimes mahirap nilang makuha pero in our effort, in our endeavor like itong S.O.A.P Program nakita natin na magbibigay ito ng kaligayahan, pero yung kaligayahan na yun kahit illusive siya kapag nakuha nila forever na dadalhin nila sa puso.” Dagdag pa ni Fr. Bargayo.
Nilinaw naman ng Pari na bagamat hindi madaling kalingain ang mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) na nakagawa ng kasalanan kapwa na malaking hamon sa simbahan.
Ang Philippine Jesuit Prison Service (PJPS) ay ang socio-pastoral apostolate ng Society of Jesus (Philippine Province) na nagkakaloob ng iba’t ibang mga serbisyo at programa tulad ng holistic rehabilitation sa mga bilanggo o Persons Deprived of Liberty.
Inaasahan namang isasagawa ang turn-over ng mga nalikom ng PJPS na mga sabon at ointment para sa mga PDLs kasabay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng Bureau of Corrections ngayong buwan ng Nobyembre, 2023.
Ang New Bilibid Prison at Correctional Institution for Women sa Mandaluyong ay kapwa pinangangasiwaan ng Bureau of Corrections (BuCor) nanagdiriwang ng 118th founding anniversary ngayong taon.