59,063 total views
Kasabay ng paggunita sa ika-10 taon ng pananalasa ng Super Typhoon Yolanda sa Visayas Region, itinalaga ni Palo Archbishop John Du ang petsa ng November 8 bilang taunang pagdiriwang o ang Feast of Our Lady of Hope of Palo.
Layunin ng deklarasyon ang higit pang paigtingin ang debosyon sa Our Lady of Hope at ang marubdob na pananampalataya ng mamamayan ng Palo.
November 8, 2013 nang manalasa ang malakas na bagyo sa Visayas kung saan pangunahing napinsala ang Tacloban City na nakapaloob sa kawan ng Archdiocese of Palo.
Isang taon makalipas ang bagyo nang magpagawa ng imahe ng Our Lady of Hope si Archbishop Du bilang pintakasi ng mga nakaligtas sa kalamidad.
Taong 2015, sa pagdalaw ng Santo Papa sa Pilipinas isang maliit na imahe ng Mahal na Birhen ang ipinagkaloob ng arsobispo na mula sa nasirang Palo Cathedral.
Habang noong nakalipas na taon nang putungan ng korona ang imahe na magsisilbing inspirasyon ng Pag-asa ng mga nakaligtas sa pananalasa ng bagyong Yolanda kung saan tinatayang higit sa anim na libo ang naitalang nasawi.
Pagbangon mula sa kalamidad
Patuloy pa rin ang pagsisikap ng mamamayan ng Borongan na makaahon mula sa pinsalang dulot ng Typhoon Yolanda, 10-taon na ang nakalilipas.
Ayon kay Borongan Bishop Crispin Varquez, bagama’t mahabang panahon na ang lumipas matapos ang kalamidad ay marami pa ring pamilya ang hindi pa naitatayo ang kanilang mga tahanan, kabuhayan at pagpapanumbalik ng sigla sa kanilang buhay.
“As we look back on that fateful day, we remember the lives lost, the families shattered and the communities uprooted. We recall the countless acts of heroism and selflessness that emerged in the midst of the chaos. We acknowledge the pain and grief that still linger in the hearts of those who survived and continue to rebuild their lives. And we recognize the hand of God guiding us through the darkest of moments.” ayon kay Bishop Varquez.
Patuloy din ang panawagan ng obispo sa nasasakupang kawan ang patuloy na pagtutulungan lalo na sa mga pamayanan hindi pa lubos na nakakaahon mula sa pinsalang iniwan ng mapaminsalang bagyo.
Sa kabila ng matinding dagok, naniniwala naman ang obispo na ang kalamidad ang higit pang nagpatibay sa pananampalataya at pagkakaisa ng mga residente sa pagmamalasakit at pag-aalay ng sarili sa kapwa.
Pamamahagi ng titulo ng lupa sa mga benepisyaryo
Pinangunahan naman nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at House Speaker Martin Romualdez ang pamamahagi ng mga titulo ng lupa sa mga biktima ng Super Typhoon Yolanda.
Ayon kay Romualdez, ang titulo ay iginawad sa mga benepisyaryong residente na nasira ang mga bahay dulot ng malakas na bagyo-10 taon na ang nakalilipas.
Giit ng mambabatas, ang titulo sa Pabahay Housing Beneficiaries ay magsisilbi ring inspirasyon ng pag-asa sa mga benepisyaryo.
“Let us also celebrate the resilience, unity, and hope that have defined our recovery journey.” bahagi ng talumpati ni Romualdez sa paggunita sa ika-10 taon ng bagyong Yolanda na ginanap sa Tacloban City Convention Center.
Dagdag pa ng mambabatas, “The road has been challenging, but with each passing year, our collective strength and determination grow even more evident.”
Inaalala din ng mambabatas na mula sa unang Distrito ng Leyte ang kanyang naging karanasan na makita ang malawak na pinsalang iniwan ng bagyo sa lalawigan at sa lungsod ng Tacloban.
Subalit sa kabila ng mga pinsala ay ang katatagan ng mga taga-Leyte sa kabila ng hamon at ang patuloy na pagsulong sa muling pagbangon.
Muli ay hinikayat ni Romualdez ang mamamayan lalo na ang nakaligtas sa malakas na bagyo ang pag-alaala sa kanilang mga nasawing mahal sa buhay, pagkilala sa mga taong tumulong para makaahon at ang higit na pasasalamat sa mga biyaya ng Panginoon sa kabila ng trahedya.